PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang mga Pinoy na ipagpaliban na muna ang planong pagbiyahe sa South Korea.
Ito’y habang hindi pa napagdedesisyunan ng pamahalaan kung magpapatupad ba ng travel ban sa naturang bansa bunsod na rin ng biglaang pag-dami ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) doon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakatakdang magpulong ngayong araw ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) para talakayin kung tuluyan na bang isasama ang South Korea sa ipinaiiral nilang travel ban.
Habang wala pa naman aniyang desisyon hinggil dito, mas mainam kung magkusa na munang umiwas ang mga Pinoy na magtungo sa naturang bansa, partikular na sa Daegu City at sa Cheongdo, kung saan may mataas na bilang ng COVID-19 cases.
Pinayuhan rin naman niya ang mga Pinoy na masusing bantayan ang sitwasyon sa South Korea bago magpasiyang bumiyahe roon.
Sakali namang tuluyan nang ipatupad ang travel ban ay hindi na muna papayagan ang mga biyahe patungo at mula sa South Korea.
Gayunman, papayagan pa ring makapasok sa Filipinas ang mga Pinoy na magmumula sa South Korea, bagama’t kakailanganin silang isailalim sa 14-day quarantine.
Nauna rito, ilang bansa na ang nagpatupad ng travel ban laban sa South Korea matapos na mapaulat na nakapagtala na sila ng 893 na kaso ng COVID-19 at panibagong 60 kaso sa nakalipas na magdamag. Sa naturang bilang, walo na ang namatay dahil sa sakit.
Pumapangalawa na ngayon ang South Korea sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Nangunguna pa rin naman sa China, na nakapagtala na ng 77,000 infections kabilang ang 2,592 pasyente na namatay.
Sa Filipinas naman, nananatili pa rin sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng virus at sila ay pawang Chinese nationals na mula sa Wuhan City sa Hubei, China, na itinuturing na siyang pinagmulan ng virus.
Isa sa kanila ang binawian ng buhay habang nakarekober at nakabalik na ng China ang dalawa pa
Ayon kay Duque, wala pa rin namang iniuulat na local na transmission ng sakit sa Filipinas hanggang sa kasalukuyan.
Tiniyak naman niya na patuloy ang kanilang paghahanda sakali mang tuluyan na ngang makapasok ang virus sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.