Payo ng PAGASA sa Semana Santa: Umiwas sa init ng panahon sa pagitan ng 12nn- 4pm

PINAPAYUHAN ng weather specialist at opisyal ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA) ang publiko na iwasan ang pagbibilad sa araw o pagsasagawa ng mga akibidad sa pagitan ng alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon ngayong Semana Santa kung saan inaasahan ang kasagsagan ng matinding init.

Ang paalala ay ipinalabas ni Juanito Galang, Chief ng Weather Division ng PAGASA para sa

lagay ng panahon mula Marso 25 hanggang Marso 31 ng taong kasalukuyan upang maiwasan ang heat exhaustion.

“The public is advised to lessen their physical outdoor activities between 12:00 to 4:00 in the afternoon when temperatures are at their highest. Otherwise, drink water regularly, stay and rest in shaded areas from time to time, and wear light-colored clothing to avoid experiencing fatigue, heat cramps and heat exhaustion,”ayon kay Galang.

Ang Easterlies ay nagdala ng maulap na papawirin na may kalat kalat na pag-ulan at pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas at Caraga noong Lunes. Unti unti itong naramdaman sa mga probinsiya ng Quezon at Aurora nitong Martes habang sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa ay naging maulap at pulo-pulong pag-ulan at pagkulog.

Ang easterlies umano ang magiging dominanteng panahon sa buong bansa sa panahon ng Semana Santa.

Habang sa March 27 hanggang 31 ay generally fair weather condition ang inaasahan sa buong bansa bukod sa kalat kalat na pag-ulan o pagkulog lalo na sa eastern section.

Samantala, nakapagtala naman ang Science Garden sa lungsod Quezon ng isa sa pinakamainit na temperatura sa Metro Manila noong Lunes na umabot sa 42 degrees Celsius. Ang mga siyudad naman ng Zamboanga at Davao ay nakapagtala rin ng mas mainit na 43 degrees Celsius na temperatura sa araw ding iyon, ayon sa ulat ng PAGASA.

Ang Dagupan at Cotabato City ay nakapagtala ng 42 degrees heat index of 42 degrees ng Lunes.

Itinuturing ng PAGASA na ang heat index sa pagitan ng 41 hanggang 51 degrees Celsius ang init ng temperature na nasa “danger level” na maaari na aniyang makaranas ang isang tao ng heat cramps, exhaustion o heat stroke sa patuloy na pagbabad sa mainit na panahon sa heat index na ito. Inaasahan ng PAGASA na ang ganitong init ng temperatura ay magpapatuloy hanggang sa buwan ng Abril at Mayo na panahon ng summer sa bansa.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia