PANGUNGUNAHAN ni Interior Secretary Eduardo Año ang flag raising ceremony ngayong araw sa Philippine National Police (PNP) General Headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.
Batay sa abiso ng PNP Public Information Office, ang sentro ng seremonya ay ang pagdiriwang sa ika-29 PNP Foundation Day na may temang “Patuloy na Pagbabago tugon sa Bagong Hamon Para sa Mapayapang Pamayanan.”
Inaasahan din na marininig ang magiging direktiba ni Año bilang chairman ng National Police Commission, kay bagong talagang PNP Chief, Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa.
Bukod sa direktiba ng kalihim sa ika-23 hepe ng PNP, asahan din ang payo ni Año sa lahat ng pulis.
Magiging abala ang Camp Crame ngayon dahil permanente nang mamumuno si Gamboa bilang kanilang hepe sa PNP na magtatagal ng walong buwan hanggang sa kanyang pag-reretiro sa Setyembre 2.
Noong Oktubre 14 ay itinalaga bilang Officer-In-Charge si Gamboa na Deputy Chief for Administration, nang magbitiw sa kanyang puwesto si dating PNP chief, Oscar Albayalde nang makaladkad sa isyu ng drug recycling.
Tatlong buwan ang hinintay ni Gamboa bago siya itinalaga bilang PNP chief noong Biyernes na kaakibat ng kondisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na lipulin ang korap sa pulisya.
Sa tatlong buwang panunungkulan bilang OIC ay nalampasan ni Gamboa ang pagsubok gaya ng pagiging mapayapa sa paggunita ng All Saint’s Day, sa 30th SEA Games at Holiday seasons kasama ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines at ang pinakahuli ay ang Pista ng Itim na Nazareno.
Sa record, bihasa si Gamboa na abogado at dating spokesperson, sa office works lalo na’t ang hinawakan nito ang may kinalaman sa budget o comptrollership.
Si Gamboa rin ang pinakamatagal na contender para maging PNP chief dahil noong 2017 siya ang Chief of Directorial Staff, naging Deputy Chief for Operations noong Setyembre 2018 at noong Oktubre 2019, siya ang Deputy Chief for Operations. EUNICE C.