PINAYUHAN ng isang ekonomista ang publiko na huwag mag-panic sa narara-nasang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay sa harap ng pagsipa ng inflation sa 5.7 percent para sa buwan ng Hulyo mula sa 5.2 percent noong Hunyo.
Ayon kay Ateneo de Manila University Economics Professor Alvin Ang, nakapag-aambag din sa pagtaas ng presyo ng bilihin ang pag-iisip ng publiko na tataas pa ang presyo na tinatawag, aniya, nilang ‘inflation expectation’.
“Kung ito po ay titingnang alarming ay lalong lalala, ang kalaban natin dito ay ang tinatawag na expectation, kailangan ang mamamayan ay magkaroon ng kumpiyansa na ito ay hindi na tataas pa o kaya ‘yung dahilan na akala nila ay nagpapataas kulang kasi sa perception ng supply kaya kailangan ng maraming supply, kung kampante ka na ay ‘di na ‘yan tataas,” paliwanag niya.
Kaugnay nito, sinabi ni Ang na malaki ang maitutulong para mabawasan ang pag-aalala ng publiko kung magiging bukas ang pamahalaan sa pagpapaliwanag sa tunay na estado ng bansa at ipaalam ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para solusyunan ang mga problemang pang-ekonomiya.
“Napakalaki po ng papel ng tamang impormasyon na ang pamahalaan ay maging isa ang boses, sabihin kung ano ba ang kalagayan, ano ang puwedeng gawin o maitutulong ng bawat isa upang hindi maalarma ang mga tao, habang ginagawa ang mga hakbang,” aniya pa.
Samantala, sinabi ni Ang na hindi dapat isisi sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law ang pagbilis ng inflation rate noong Hulyo.
Aniya, maliit na bahagi lamang ang kontribusyon ng TRAIN sa patuloy na pagsipa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Binigyang-diin ng ekonomista na labis na nakaapekto sa inflation ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaig-digang merkado at ang paghina ng piso kontra dolyar.
“Hindi ito purely dahil sa TRAIN, hindi natin naintindihan ang epekto ng TRAIN kaya lahat ng agam-agam pumasok na at sinisi ang TRAIN, timing ang issue dun, eh hindi ‘yung batas mismo,” dagdag ni Ang. DWIZ 882