ABA’Y kung mataas ang presyo ng galunggong, eh, ‘wag na n’yong bilhin!
Suki, si Sen. Cynthia Villar po ang nagsabi n’yan… na kanyang dinugtungan:
“Gulay na lang ang gawin n’yong ulam!
Klarong ‘tunog nanay.’
Yamot na nanay, Suki.
Opkors, hindi pang-senadorang payo.
Kaya hinagupit ng mga talentadong lider ng ilang militanteng grupo.
Wala umano sa hulog ‘yang ganyang tugon ng senadora sa daing ng mahihirap.
Sa hinagpis ng mga naglalaway sa paborito nilang isda na ang presyo ay biglang sumirit sa P350 ang kilo sa hindi maipaliwanag na rason.
Maliban sa obyus na pagiging sugapa, Suki, sa tubo ng ilang ganid na mangangalakal.
oOo
Wala akong nakitang masamang karga sa sinabi ni Nanay Cynthia, Suki.
Na kung sobra nga namang mataas ang presyo ng galunggong ay ‘wag nang tangkilikin.
At sa halip ay gulay na lang ang gawing pamalit na ulam sa hapag kainan.
Oo nga’t iba ang gustong marinig ng mga militanteng grupo, pero nawaglit sa kanilang isip na isang ina ang senadora.
Masinop na ina, sa tingin ko.
Kaya ang naturang tugon ng senadora, Suki, na pinag-iinitan ng grupong namamalakaya, ay hugot mula sa kusina ng isang nanay.
At hindi iskrip sa plenaryo ng Senado.
oOo
Bakit nga ba biglang halos naging dobol ang presyo ng galunggong?
Mas mahal pa sa karneng baka, Suki.
Samantalang klaro ang tatak nito na pagkaing pang-mahirap.
O paboritong ulam ng maralitang sektor.
Kasi nga, ito lang ang isdang abot-kaya ang presyo ng masa. Maliban sa tilapya’t bangus na minsan ay amoy gilik. Tama ba ako, Suki?
Nakabibingi na ang bulungan ng mga henyo sa merkado… na dumidiskarte na naman ang kartel sa sektor ng agrikul-tura.
Partikular sa produktong yaman-dagat.
Minamaniobra ang pagtaas ng presyo, Suki, para payagan sila ng gobyernong mag-angkat ng galung-gong mula sa ibang bansa.
Talaga naman, ho-hum!
Comments are closed.