SISIKAPIN ng Meralco na masundan ang title conquest noong nakaraang linggo sa pagpasok ng PBA 3×3 Third Conference sa halfway stage nito.
Naungusan ng Bolts ang TNT Triple Giga noong nakaraang linggo, 19-18, upang maging unang koponan na nagwagi ng multiple leg championships sa final conference ng season.
Ngayon ay tatangkain nilang mahila ang dominasyon sa paglarga ng Leg 4 ngayong Lunes sa Ayala Malls Makati Circuit.
Muling sasandal si coach Patrick Fran sa subok nang quartet nina Alfred Batino, Joseph Sedurifa, Jeff Manday, at JJ Manlangit sa pagtatangka ng koponan sa back-to-back championship.
Subalit nakahanda ang iba pang mga koponan na pigilan ang Meralco.
Target ang unang korona ngayong conference, binalasa ng TNT ang roster nito at ibinalik sina Samboy De Leon at many-time scoring king Almond Vosotros upang makipagtambalan kina Matt Salem at Gryann Mendoza.
Kinuha rin ng Cavitex Braves si Clint Doliguez mula sa NLEX upang palakasin ang tropa ni coach Kyles Lao at samahan ang trio nina veterans Jorey Napoles, Philip Paniamogan, at Bong Galanza.
Inilagay ng guest team MCFASolver si Terrence Tumalip se reserved list kapalit ni Raphael Banal, habang idinagdag ng NorthPort si rookie draftee mula San Beda Damie Cuntapay sa lineup nito na binubuo nina Jan Sobrevega, Gwyne Capacio, at Alain Madrigal.
Maagang sinubukan ng Cavitex ang lakas at tapang ng Meralco dahil ang dalawa ay magkasama sa Pool A kasama ang Terrafirma.
Ang Pool B ay kinabibilangan ng TNT, Pioneer Elastoseal, Northport, at Blackwater, habang nasa Pool C ang MCFASolver, San Miguel, Barangay Ginebra, at Purefoods.
Walong koponan ang uusad sa knockout stage sa Martes – dalawa sa Pool A, at tig-3 sa Pool B at C. Ang kampeon ay mag-uuwi ng P100,000.
Makakaharap ng TNT ang Pioneer Elastoseal sa alas-10 ng umaga sa pagsisimula ng 13-game schedule sa opening day ng pool phase.