SINAMANTALA ng Blackwater ang problema sa tao ng TNT upang kunin ang top seeding sa Pool A papasok sa quarterfinals ng Leg 1 ng PBA 3×3 Season 3 Third Conference nitong Lunes sa Ayala Malls Glorietta.
Makaraang madominahan ang Terrafirma, 20-13, ang Smooth Razor ay sumandal sa 17-point sizzler ni Wendell Comboy upang pataubin ang depleted Triple Giga, 22-7.
Binuhat nina Gryann Mendoza, Matt Salem at Chester Saldua ang TNT sa pagkawala nina Almond Vosotros at Ping Exciminiano dahil sa karamdaman para umabante bilang No. 2 sa Pool A na may 1-1 kartada.
Ang grand slam seekers ay nagwagi kontra Dyip, 21-19, sa morning sessions para talunin ang kanilang biktima para sa ikalawa at huling ticket sa KO rounds ngayong Martes.
Samantala, nagposte ang third seed Cavitex ng 3-0 sweep sa Pool C habang nagtala ang MCFASolver ng 2-of-2 sa Pool B upang pangunahan ang quarterfinalists sa kani-kanilang brackets.
Winalis ng Braves ang San Miguel Beer, 21-11, Barangay Ginebra, 21-13, at Pioneer Elastoseal, 21-17, upang kunin ang top seeding sa Pool C.
Umabante rin ang Gin Kings (1-1) at Katibays (1-1) habang laglag ang Beermen (0-3). Kapwa namayani ang Ginebra at Pioneer laban sa SMB, 22-11, at 21-17, ayon sa pagkakasunod, upang magkaroon ng pagkakataon na pag-agawan ang No. 2 sa kanilang duelo sa pagtatapos ng pool play ngayong umaga.
Nakopo ng unbeaten MCFASolver (2-0), Meralco (2-1) at Purefoods (1-1) ang tatlong quarters spots ng Pool B habang sibak ang NorthPort (0-3).
CLYDE MARIANO