PBA 3X3: BOLTS, TRIPLE GIGA, BEERMEN SA LEG 4 Q’FINALS

PINATAOB ng Meralco ang unang dalawang leg winners ng PBA 3×3 First Conference Season 3 upang maging top seed sa opener ng Leg 4 nitong Lunes sa Ayala Mall Circuit.

Dinispatsa ng Bolts ang back-to-back leg champion Barangay Ginebra, 19-15, at pagkatapos ay ginapi ang last week’s winner TNT, 21-13, para sa 2-0 record sa ibabaw ng Pool A.

Sinamahan ng Triple Giga ang Bolts sa knockout stage sa Martes bilang no. 2 team sa kanilang grupo makaraang sibakin ang Kings, 18-17.

Ang maagang pagkakasibak ng Ginebra ay dumating dalawang linggo makaraang pagharian ng koponan ang Legs 1 at 2 ng bagong season.

Ang TNT rin ang sumibak sa Ginebra noong nakaraang linggo matapos ang 21-19 panalo sa quarterfinal match up.
Umusad din sa quarterfinals ang Wilcon Depot, San Miguel, at Cavitex.

Tumapos ang Wilcon na may perfect 3-0 slate sa Pool B makaraang padapain ang Blackwater (14-13), NorthPort (18-14), at Pioneer Elastoseal (17-16).

Ang pagkatalo ng Elastoseal (0-3), na tumapos na runner-up sa TNT sa Leg 3, ay nagbigay-daan sa pag-usad ng Batang Pier (1-1) at Bossing (1-1) at paglalabanan ang nos. 2 at 3 spots sa kanilang grupo sa morning session ng pool play ngayong Martes.

Ang matatalo sa pagitan ng Blackwater at ng NorthPort ay makakaharap ng Meralco sa knockout phase.

Samantala, nakalikom ang Beermen at Braves ng tig-2 panalo upang magsalo sa liderato sa Pool C.

Ginapi ng San Miguel ang Purefoods, 21-13, at Terrafirma, 21-19, habang naungusan ng Cavitex ang Terrafirma, 18-16, at Purefoods, 19-18.

Samantala, namayani ang Terrafirma kontrra Purefoods, 18-11, upang kunin ang huling quarterfinal spot sa Pool C.

Makakaharap ng Dyip ang Wilcon sa susunod na round.