PBA 3X3: GINEBRA, NORTHPORT AASINTAHIN ANG GRAND FINALS

PBA 3x3

PARA sa mga koponan na nasa ibabaw ng standings, ang layunin sa Leg 6 ay ang patatagin ang kanilang posisyon sa Top 4 tungo sa PBA 3×3 Season 3 Third Conference Grand Finals.

Para sa mga nasa ilalim, lalo na ang Barangay Ginebra at NorthPort, habol nila ang makapasok sa cutoff ng 10-team conference championship.

Hangad ng 11 koponan ang top honors at ang mahalagang tour points sa culminating sixth leg ng season-ending conference simula ngayong Lunes sa Market! Market! sa Taguig.

Nangunguna ang Meralco, winners ng Legs 1, 3 at 4 at nagkasya sa second place noong nakaraang linggo, makalipas ang limang legs na may 430 total points.

Nakabuntot ang Leg 2 ruler MCFASolver (370 points), Leg 5 victor TNT (340) at fourth-running Cavitex (300), na sa matikas na ipinakita ay maaaring makopo ang Top 4 berths at ang outright quarterfinal tickets sa conference championship.

Sisikapin ng fifth-running San Miguel Beer (251) na makasingit sa Magic 4 habang asam ng Blackwater (216), Purefoods (176), Terrafirma (163) at Pioneer (159) na makakuha ng puwesto sa loob ng cutline.

Ang Leg 6 ay napakahalaga para sa 10th-running Gin Kings (136) at No. 11 Batang Pier (129), na nag-aagawan sa huling puwesto sa conference finals.

Inaasahang gagawin ng Ginebra at NorthPort ang lahat para malusutan ang Bolts at Dyip sa kanilang unang laro sa Pool B at manaig sa KO rounds sa Martes upang palakasin ang kanilang kampanya.

Samantala, nasa Pool A ang Triple Giga, Beermen at Katibay habang ang Braves, Tech Centrale, Smooth Razor, at Titans ang bumubuo sa Pool C.

Magsisimula ang pool action sa alas-2:30 ng hapon kung saan ang Top 2 sa Pool A at Top 3 sa Pools B at C ay papasok sa Leg 6 quarterfinals.