PBA 3X3: IKA-2 SUNOD NA LEG CROWN ASAM NG BOLTS

PBA 3x3

UMAASA ang Meralco na magiging mainit ang kanilang simula sa 2024 sa pagtatangka para sa ikalawang sunod na titulo sa pagpapatuloy ng PBA 3×3 Third Conference ngayong Lunes sa Ayala Malls Manila Bay.

Matapos ang isang buwang pahinga para sa holiday season, ipagpapatuloy ng 11 teams ang kani-kanilang kampanya sa Season 3, kung saan tututukan ang Bolts kasunod ng kanilang title conquest sa Leg 1 noong December 12.

Ginapi ng Meralco ang guest team MCFASolver, 15-13, upang maibulsa ang P100,00 prize money at kunin ang unang leg crown sa loob ng halos isang season.

Muling ipaparada ng koponan na ginagabayan ni coach Patrick Fran ang quartet nina Alfred Batino, Raymar Caduyac, Jeff Manday, at Joseph Sedurifa.

Pangungunahan ng Bolts ang Pool A kasama ang Barangay Ginebra na pinamumunuan ni veteran Ralph Salcedo, at perennial champion TNT Triple Giga, sa pangunguna ni many-time scoring champion Almond Vosotros.

Pinanatili rin ng MCFASolver ang lineup nito na nagbigay sa franchise ng runner-up finish noong huli, na kinabibilangan nina current scoring king Brandon Ramirez, Terrence Tumalip, Louie Vigil, at Yutien Andrada.

Ang Tech Centrale ay nasa Pool B kasama ang Blackwater Smooth Razor, Pioneer Elastoseal, at San Miguel Beer.

Ang Pool C ay binubuo ng Cavitex, Purefoods, Terrafirma, at NorthPort.  Sisimulan ng MCFASolver ang kanilang kampanya sa opening game ng 13-match schedule sa unang araw ng pool play, laban sa Blackwater sa alas-10:40 ng umaga.

Walong koponan lamang ang uusad sa knockout stage sa Martes na kinabibilangan ng top two teams sa Pool A at top three teams sa Pool B at C.