NALUSUTAN ng Meralco ang paghahabol ng TNT upang maitakas ang19-18 panalo at pagharian ang Leg 3 ng PBA 3×3 Third Conference nitong Martes sa Ayala Malls Fairview Terraces.
Si Diminutive Jeff Manday ang naging ‘man of the hour’ para sa Bolts, sa pagkamada ng 12 points at pinangunahan ang franchise sa ikalawang leg championship ngayong conference.
Subalit kinailangang apulahin ng Meralco ang mainit na paghahabol ng Triple Giga mula sa 6-point deficit, may isang minuto at 28 segundo ang nalalabi.
Makaraang maipasok ni Manday ang kanyang final deuce sa laro na nagbigay sa Bolts ng 19-13 kalamangan, humabol ang TNT sa likod nina Gryann Mendoza at Ping Exciminiano, na ang two-pointer, may 25 segundo sa orasan, ay nagtapyas sa kalamangan ng Meralco sa isang puntos.
Sa kasamaang-palad, hindi na nakaiskor ang Triple Giga mula roon at naiuwi ng Meralco ang korona na nagkakahalaga ng P100,000.
Sina Alfred Batino, Joseph Sedurifa, at JJ Manlangit ang nagbigay ng iba pang puntos ng Meralco at naduplika ng tropa ni coach Patrick Fran ang tagumpay sa Leg 1 ng torneo.
Naglaro na wala si star player Almond Vosotros, ang TNT ay pinangunahan ni Chester Saldua na may 8 points. Nagkasya ang TNT sa P50,000 runner-up purse.
Nauna rito ay sinibak ng Meralco ang leg 2 winner MCFASolver sa semifinals, 21-19, habang pinataob ng TNT ang San Miguel sa kanilang sariling semis encounter.
Bigo sa back-to-back title bid, ibinunton ng MCFASolver ang kanilang galit sa San Miguel para sa third place, 15-12.
Nagbuhos si Loui Vigil ng team-high 10 points para sa Tech Centrale, na nagkasya sa P30,000 purse.
CLYDE MARIANO
Third place:
MCFASolver (15) – Vigil 10, Ramirez 5, Tumalip 0, Andrada 0.
San Miguel (12) – Bono 6, Apacible 4, Mangahas 2, Cruz 0.
Finals:
Meralco (19) – Manday 12, Batino 3, Sedurifa 3, Manlangit 1.
TNT (18) – Saldua 8, Mendoza 5, Exciminiano 5, Salem 0.