PBA 3X3 LEG 6 CROWN SA TRIPLE GIGA

Ikalawang leg title ng TNT sa PBA 3×3 Season 3 First ­Conference. PBA PHOTO

 

NAPIGILAN ng TNT Triple Giga ang Cavitex sa pag-ukit ng kasaysayan sa PBA 3×3 nang pataubin ang Braves, 21-17, at pagharian ang Leg 6 ng Season 3 First Conference nitong Martes sa Ayala Malls Trinoma.

Tumipa si Gryan Mendoza ng 7 points upang pangunahan ang Triple Giga sa pagbigo sa pagtatangka ng Braves na maging unang koponan na nanalo sa tatlong sunod na legs sa torneo.

Sa pagsubi ng P100,000 champion’s purse, nakopo ng TNT ang kanilang ikalawang titulo sa first conference makaraang pagharian ang Leg 3, tatlong linggo na ang nakalilipas.

Sa panalo ay lumakas din ang kampanya ng koponan para sa First Conference grand finals na nakatakda sa August 13 sa Ayala Malls Market! Market!

Nakumpleto ng Triple Giga ni coach Mau Belen ang grand slam noong nakaraang season kasunod ng three-conference sweep sa meet.

Nagtala si scoring king Almond Vosotros ng 6 points para sa TNT, na nakakuha rin ng 6 points mula kay Samboy De Leon at dalawa kay Ping Exciminiano.

Ang Cavitex, nagwagi sa Legs 4 at 5, ay pinangunahan ng 7 points ni Bong Galanza at kinuha ang runner-up purse na P50,000.

Tinalo ng TNT ang Wilcon, 21-13, habang naungusan ng Cavitex ang Meralco, 19-18, para maisaayos ang title showdown sa pagitan ng sister teams,

Sa pool play ay ginapi ng Cavitex ang TNT, 19-17, upang manguna sa Group A.

Nauna rito, naitala ng Wilcon Depot ang kanilang unang podium finish sa 16-13 pagdispatsa sa Meralco.
Pinangunahan ni Keith Datu na may 8 points ang Wilcon sa third place finish na nagkakahalaga ng P30,000.

-CLYDE MARIANO

Iskor:
Third place:
Wilcon Depot (16) – Datu 8, Vigil 4, Andrada 3, Tumalip 1.
Meralco (13) – Maagdenberg 5, Sedurifa 4, Caduyac 2, Santos 2.

Finals:
TNT (21) – Mendoza 7, Vosotros 6, De Leon 6, Exciminiano 2.
Cavitex (17) – Galanza 7, Fajardo 5, Napoles 4, Gonzaga 1.