PBA 3X3: MERALCO, TNT, PUREFOODS SA Q’FINALS

SINIMULAN ng mga bigatin na magpakita ng lakas habang naging malamig ang simula ng paboritong Limitless App sa final leg opener ng PBA 3×3 Lakas Ng Tatlo Second Conference nitong Martes sa Araneta Coliseum.

Walang talo ang Meralco, TNT, Pioneer Pro Tibay, at Purefoods upang kunin ang liderato sa kani-kanilang grupo sa opening day ng pool play sa Leg 6 ng half-court tournament.

Nakasambot ang  Bolts, naglalaro pa rin na wala si  injured big man Alfred Batino, ng puwesto sa knockout stage nang pangunahan ang Pool A na may 3-0 record, kabilang ang kapana-panabik na 22-18 panalo laban kay  Jorey Napoles at sa Appmasters.

Nagwagi rin ang Leg 4 winner Meralco kontra Sista Super Sealers (21-11) at Northport (21-13)

Sa Pool B, magkasalo ang TNT at Pioneer sa top spot na may magkatulad na 2-0 records sa hiwalay na panalo kontra San Miguel at Terrafirma 3×3.

Samantala, bumabandera naman ang Purefoods sa Pool C sa likod ng 2-0 kartada makaraang dispatsahin ang Master Sardines (21-9) at Platinum Karaoke (21-17).

Ang Limitless ay may 1-2 record sa Pool A para sa third place sa likod ng Barangay Ginebra (2-1), at tabla sa  Sista (1-2), habang nasa ilallm ang NorthPort sa 1-3.

Sigurado na rin ang Kings sa susunod na stage makaraang gapiin ang Limitless (21-17) at Sista (21-11), kaya pag-aagawan ng Appmasters at Super Sealers ang nalalabing quarterfinals berth sa grupo.