PBA 3X3 SEASON 2 LALARGA NA SA SET. 10

SINISIKAP ng PBA 3×3 na tumayo sa sarili nitong paa pagdating sa game schedules at maging sa pagbuo ng mga koponan na kakatawan sa bansa sa international competitions.

Inanunsiyo ni Richard Bachmann, chairman ng PBA 3×3, nitong Martes ang pagdaraos ng Season 2 simula sa Sept. 10 sa Robinson’s Malls sa Antipolo, Novaliches, at Malabon.

“We will now have our own schedule which is separate from the PBA schedule,” pahayag ni Bachmann sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.

Ang PBA 3×3 games ay idaraos tuwing Sabado at Linggo na may 12 teams, kabilang ang in-house teams Ginebra, Blackwater, Cavitex, Meralco, NorthPort, Purefoods, San Miguel Beer, Terrafirma at TNT, at guest teams Pioneer Elasto Seal, Platinum Karaoke, at bagong guest team J&T Express.

Sinabi ni Bachmann, na sinamahan sa forum nina tournament director Joey Guanio at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) 3×3 program director Ronnie Magsanoc, na plano rin nilang maging independent hanggang maaari sa pagbuo ng national teams.

“That’s the plan. We don’t want to bother the PBA 5×5 anymore,” ani Bachmann, idinagdag na abala na ang PBA sa heavy three-conference schedule nito at sa pagsuporta sa Gilas Pilipinas.

Naniniwala si Magsanoc na walang shortage ng 3×3 players sa bansa para sa local leagues tulad ng PBA, gayundin sa international tournaments gaya ng FIBA events, Southeast Asian Games, Asian Games, at maging Olympics.

“We will build our own and create a national pool. We’re optimistic in building homegrown talents and eyeing talents from abroad. So far, so good naman,” sabi ng dating PBA superstar.

“What’s most important is to sustain the program and the execution,” dagdag pa niya sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Sinabi ni Bachmann na sinisikap nilang kumbinsihin ang local players na ang PBA 3×3 ay isang “very viable option” para sa kanila pagdating sa kabuhayan lalo na kapag naglaro sila sa ibang bansa.

Ayon kay Guanio, ang PBA 3×3 ay magkakaroon ng tatlong conference ngayong taon kung saan ang second conference ay nakatakda sa November at ang third sa January. Magkakaroon ng anim na legs at isang grand finals para sa bawat conference.

Aniya, bukas din sila sa posibilidad na imbitahan ang foreign teams na lumahok sa PBA 3×3, at inamin na may initial talks na sila sa mga kinatawan mula sa Singapore at Vietnam.

“We’re also discussing adding a women’s tournament and that might happen in the third conference. It looks like we will be able to get eight teams. It will be upon the approval of the PBA board. Hopefully, it will push through,” ani Guanio.