PBA 3X3 SECOND CONFERENCE LEG 3 CROWN SA LIMITLESS

MULING nadominahan ng PBA 3×3 first conference champions at Phoenix-affiliate Limitless Appmasters ang isa pang leg ng torneo at nakopo ang korona ng third leg ng second conference ng liga.

Naisalpak ni Jorey Napoles ang game-winner na nagselyo sa panalo ng Limitless kontra TNT Tropang Giga, 21-20, sa finals nitong Sabado sa Araneta Coliseum.

Nagtala rin si Napoles ng game-high 14 points, habang nagdagdag sina Brandon Rosser ng 6 points at Reymar Caduyac ng 1 point sa panalo.

Nanguna si Almond Vosotros para sa TNT na may 9 points.

Para makapasok sa finals ay pinataob ng Limitless ang Meralco, 16-11, sa semifinals, at ang Leg 2 champs San Miguel, 21-14, sa quarterfinals.

Nalusutan naman ng TNT ang Terrafirma sa semis, 21-19, at ang Pioneer Pro Tibay, 21-8,  quarters.

Nagkasya ang  Meralco sa ikatlong puwesto makaraang mamayani sa Terrafirma, 21-18. Ang iba pang naglaro sa playoffs ay ang Cavitex Braves at  Sista Super Sealers.

Ito na ang ikatlong titulo ng Limitless para sa conference legs, kung saan ang unang dalawa ay kanilang nasikwat sa first conference. CLYDE MARIANO

Iskor:

3rd place:

Meralco (21) – Batino 8, Gonzaga 7, Maiquez 5, Sedurifa 1.

Terrafirma (18) – Reverente 10, Taladua 5, Bulawan 3, Tumalip 0.

Finals:

Limitless App (21) – Napoles 14, Rosser 6, Caduyac 1, Hayes 0.

TNT (20) – Vosotros 9, De Leon 7, Flores 2, Javier 2.