PBA 3X3 THIRD CONFERENCE FINAL LEG CROWN SA TITANS

MATAPOS ang matagal na paghihintay, muling nakopo ni Joseph Eriobu at ng Purefoods TJ Titans ang leg championship ng PBA 3×3.

Sumandal ang Titans sa mainit na shooting ni Eriobu upang silatin ang TNT Tropang Giga, 20-16, at kunin ang final leg ng Third Conference ng torneo kahapon sa Robinsons Place Manila.

Naitala ni Eriobu ang 11 sa total output ng Titans upang pangunahan ang koponan sa kampeonato at sa P100,000 prize money.

Ito ang unang leg crown para sa Purefoods franchise magmula nang pagharian ang Leg 4 ng first conference.

Maagang nag-init si Eriobu kung saan kumarera ang Titans sa 8-2 lead at hindi na lumingon pa.

Tinangka ni Almond Vosotros, nanguna sa Tropang Giga na may 11, na makahabol ang kanyang koponan at lumapit sa 16-12, bago nakipagsanib-puwersa si Eriobu kina Jun Bonsubre at Marvin Hayes upang tapusin ang laro.

Nagdagdag si Jed Mendoza ng 4 points para sa Titans, tumipa si Bonsubre ng 3, at gumawa si Hayes ng 2 para sa kanyang unang 3×3 title magmula nang umalis sa Limitless App.

Nagkasya ang Tropang Giga sa P50,000 premyo para sa runner up sa ikalawang sunod na leg.

Sumandal din ang Titans kay Eriobu para sa kinakailangang puntos upang sibakin ang Meralco Bolts, 19-17, sa semis. Nauna nilang ginapi ang Platinum Karaoke sa quarterfinals, 21-15.

Sumandig naman ang Tropang Giga kay Vosotros na nagpasabog ng 10 points sa 18-16 semis victory kontra Limitless App. Tinalo nila ang Cavitex sa quarterfinals, 21-16.

Sa duelo para sa third, naungusan ng Meralco ang Limitless App, 18-17, para maiuwi ang P30,000 premyo.

Iskor:
Finals:
Purefoods (20) — ­Eriobu 11, Mendoza 4, Bonsubre 3, Hayes 2.
TNT (16) — Vosotros 11, De Leon 2, Flores 2, Exciminiano 1.
Battle for Third:
Meralco (18) — Gonzaga 7, Maiquez 5, Batino 4, Española 2.
Limitless App (17) — Napoles 8, Salva 5, Arambulo 2, Camacho 2.