PBA 3X3 THIRD CONFERENCE LEG 3 CROWN SA ‘TROPA’

TINULDUKAN ni Almond Vosotros ang kanyang mainit na shooting performance sa PBA 3×3 Third Conference playoffs sa isa pang kampeonato nang pataubin ng TNT ang Purefoods, 21-13, at pagharian ang Leg 3 kahapon sa Robinsons Magnolia.

Tumapos ang veteran TNT guard na may game-high 12 points kung saan halos ma-outscore niya ang buong Titans team sa finals nang pangunahan ang Tropang Giga sa kanilang ikalawang titulo sa huling tatlong legs ng standalone tournament.

Sa gabay ni coach Mau Belen, kinuha rin ng TNT ang Leg 1 crown, tatlong linggo na ang nakalilipas.

Mainit si Vosotros sa buong playoffs at may average na 11.6 points. Sinibak ng Tropang Giga ang Sista sa quarterfinals, 21-16, ginapi ang Leg 2 champion Meralco sa semis, 18-14, bago dinomina ang Purefoods sa championship game para sa P100,000 top purse.

Ang playmaker mula sa La Salle ay nakakuha rin ng suporta mula kay Gryann Mendoza, na nagdagdag ng 6 points at 8 rebounds.

Ang Titans ay nasa kanilang unang finals appearance magmula nang magwagi sa Leg 4 ng First Conference, subalit kinapos sa TNT makaraang malimitahan si top gun Joseph Eriobu sa apat na puntos lamang sa 3-of-11 shooting mula sa floor.

Tungo sa championship round, dinispatsa ng Purefoods ang Limitless App sa quarterfinals, 21-19, at ibinasura ang Platinum Karaoke, 18-16, sa semis.

Ang runner-up finish ay nagkakahalaga ng P50,000 para sa Titans, na nakakuha ng 7 rebounds sa baguhang si Marvin Hayes.

Nakopo ng Platinum Karaoke ang third place kasunod ng 14-12 panalo laban sa Meralco.

Kumana si Yutien Andrada ng 7 points para sa Platinum Karaoke, na naiuwi ang P30,000.

Iskor:

Finals:
TNT (21) – Vosotros 12, Mendoza 6, Flores 2, Exciminiano 1.
Purefoods (13) – Mendoza 5, Eriobu 3, Acuna 3, Hayes 1.

Third place:
Platinum Karaoke (14) – Andrada 7, Banal 3, Bagatsing 3, De Chavez 1.
Meralco (12) – Sedurifa 5, Gonzaga 4, Batino 3, Maiquez 0.