PBA 3X3: TNT, San Miguel, Blackwater, Cavitex sa q’finals

PAG-AAGAWAN ng Purefoods at NorthPort ang huling quarterfinals berth sa Leg 4 ng PBA 3×3 Season 3 sa pagtatapos ng Day 1 ng pool stage kahapon sa Ayala Mall Manila Bay.

Ang TJ Titans at  Batang Pier ay kapwa winless matapos ang dalawang laro sa Pool B, na pinangunahan ng San Miguel na may perfect 3-0 record.

Magsasalpukan ang dalawang koponan ngayong Martes bago ang knockout stage.

May natitira pang laro ang Barangay Ginebra laban sa Pool C top notcher Pioneer Elastoseal, ngunit kahit manalo sila na magtatabla sa Kings sa Meralco Bolts sa 1-2, hindi ito sapat para umabante dahil tinalo sila ng Meralco, 19-16.

Ang San Miguel, Blackwater, Cavitex, TNT, Pioneer, at MCFASolver ay pasok na sa quarterfinals.

Ang Beermen ay unbeaten sa Pool B kasunod ng mga panalo laban sa Cavitex, 22-17, NorthPort, 21-16, at Purefoods, 21-19, upang umabante sa knockout stage ng Second Conference sa kauna-unahang pagkakataon.

Sa unang tatlong legs, ang San Miguel ay dalawang beses tumapos sa eighth at 11th noong nakaraang linggo.

Winalis naman ng TNT ang kanilang Pool A assignments upang kunin ang top seed at manatiling on track para sa ika-4 na sunod na titulo ngayong conference.

Pinataob ng Tropang Giga ang Blackwater Smooth Razor, 19-17, at pagkatapos ay dinispatsa ang Terrafirma, 21-14, para sa 2-0 record sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa pool stage.

Naitala naman ng Blackwater ang 21-14 panalo kontra  Dyip para sa 1-1 kartada at kunin ang nalalabing quarterfinals ticket sa kanilang grupo, habang isinara ang pintuan sa kampanya ng Terrafirma.

Umabante rin ang Cavitex sa susunod na round na may 2-1 record sa Pool B.

Nagwagi ang Braves kontra Purefoods, 21-18, at NorthPort, 21-14, habang yumuko sa Beermen.

Sa Pool C, sigurado na rin ang Pioneer (2-0) at MCFASolver (2-1) sa susunod na round.