KASADO na ang week-long na PBA action sa season-opening Governors’ Cup.
Sinabi ni Commissioner Willie Marcial na ang mga laro sa liga para sa unang buwan ng Season 49 ay idaraos anim na beses isang linggo upang bigyang-daan ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa second window ng Asia Cup qualifiers at ang paglahok ng San Miguel at Meralco sa second home-and-away season ng EASL.
“Magiging six times a week na tayo because of Gilas and ‘yung EASL,” sabi ni Marcial.
Nangangahulugan ito na ang mga laro ay idaraos mula Martes hanggang Linggo, at ang Lunes ang nag-iisang araw ng pahinga.
“‘Yung six days a week kung hindi ako nagkakamali isang buwan lang naman, tapos balik ulit tayo sa dati,” dagdag pa ni Marcial.
Dalawang games ang lalaruin kada game day, kung saan magsisimula ang laro sa alas-5 ng hapon at ang main game at nakatakda sa alas-7:30 ng gabi.
Mag-iiba ang iskedyul kapag may provincial game ng Sabado.
“Saturday kapag may out-of-town tayo, 6 p.m. ang laro. Pero kapag wala, ganun pa rin ang schedule natin para uniform, para dire-diretso na,” aniya.
Magbabalik sa normal ang iskedyul sa pagsapit ng playoffs kung kailan idinaraos ang mga laro tuwing Miyerkoles, Biyernes at Linggo.
Tiniyak din ni Marcial na ang lahat ng laro ay ipalalabas sa free television RPTV Channel 9.
“Ipapalabas ‘yan araw-araw kasi ating ‘yung airtime from 4 p.m. to 9:30 p.m. kaya wala tayong problema sa TV,” anang commissioner.
CLYDE MARIANO