NAKAKUHA ng mataas na rating approval ang katatapos na PBA bubble mula mismo sa Deputy Chief Implementer ng National Action Plan Against COVID-19.
Ayon kay Secretary Vince Dizon, higit pa sa pasadong marka ang karapadat-dapar na ibigay sa PBA bubble matapos nitong maitawid ang 45th season sa pamamagitan ng matagumpay na pagdaraos ng Philippine Cup sa Clark, Pampanga.
Nakamit ng Barangay Ginebra ang kampeonato makaraang madominahan ang TnT Tropang Giga sa limang laro sa finals.
“Conservatively, siguro nasa mga 90 percent ang aking rating,” aniya nang tanungin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webcast Forum kung paano niya mamarkahan ang bubble conference sa scale na 1 to 100.
“Ang pinakaimportante ay walang nagkasakit.”
May mga pagsubok na kinaharap ang kauna-unahang play-for-league sa Asia subalit nalusutan nila ito at nagtagumpay sa pinakamapanghamong panahon sa mahaba at mayamang kasaysayan nito.
Hindi ito maisasakatuparan kung hindi dahil sa kooperasyon at tulong ng liderato ng PBA, sa pangunguna ni Commissioner Willie Marcial, na sinamahan si Dizon sa online session.
“Yung PBA bubble ay hindi magiging success kung hindi dahil sa tulong at kooperasyon ng PBA leadership sa pamumuno ni Commissioner Willie,” sabi ni Dizon, na siya ring president and CEO ng Bases Conversion and Development Authority, na binanggit din ang tulong na ipinagkaloob ng PBA owners, mga niyembro ng Board, commissioner’s staff, players, coaches, at iba pang team personnel.
“Napakaganda ng samahan na nangyari noong PBA bubble dala na rin ng objective natin na siguraduhin na maging healthy and safe ‘yung bubble.”
Sinabi pa ng PBA chief na wala pang kongkretong plano kung magdaraos ang liga ng isa pang bubble season o lilipat sa closed-circuit system kung saan ang mga koponan at player ay pawang magkakaroon ng parehong house-gym-house routine sa kasagsagan ng conference. CLYDE MARIANO
Comments are closed.