NANANATILING bukas ang imbitasyon para maglaro ang Gilas Pilipinas sa PBA bilang guest team sa patuloy na pagsisikap ng liga na makatulong sa national team program.
Ayon kay PBA chairman Ricky Vargas, tuloy pa rin ang alok nila sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), may ilang buwan na ang nakalilipas.
“The invitation has always been there, always open,” pahayag ni Vargas sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes.
Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial noong Abril na maaaring lumahok ang national team sa Philippine Cup, na nakatulong sana sa paghahanda ng Gilas para sa FIBA Asia Cup qualifiers at sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Hindi ito natuloy dahil ipinagpaliban ang All-Filipino Cup bunga ng COVID-19 pandemic.
Planong buksan ng PBA ang Governors’ Cup sa Nobyembre 28, at maaari pa rin ditong lumahok ang national team.
“We welcome that, ‘no, especially to be able to see ‘yung Gilas team natin, maglaro sa PBA,” ani Vargas.
Gayunman ay wala pa, aniya, silang naririnig na kongkretong plano mula sa SBP.
“Sa ngayon wala pa kaming naririnig sa SBP, but ‘yung offer na ‘yun, laging nandoon,” pagbibigay-diin ni Vargas.