(PBA Commissioner’s Cup lalarga na) FUEL MASTERS SUSUBUKAN ANG HK EASTERN

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
5 p.m. – Converge vs Terrafirma
7:30 p.m. – Hong Kong Eastern vs Phoenix

MAGBUBUKAS ang PBA Commissioner’s Cup ngayong Miyerkoles sa PhilSports Arena sa Pasig, tampok ang pagbabalik ng giant imports at ang debut ng isa pang EASL ball club sa pioneering play-for-pay league ng Asia.

Ang Phoenix Fuel Masters, sa pangunguna ni import Donovan Smith, ang unang susubok sa lakas ng Hong Kong Eastern sa kanilang laro sa 7:30 p.m. mainer matapos ang 5 p.m. opening sa pagitan ng Converge at ng Terrafirma.

Ang HK team ay inaasahang magbibigay ng karagdagang init sa torneo tulad ng ipinagkaloob ng Bay Area Dragons sa kanilang runner-up finish sa likod ng Barangay Ginebra Kings sa 2022 Commissioner’s Cup.

Ang mga pamilyar na mukha sa Hong Kong Eastern squad ay sina import Cameron Clark, at Hayden Blankley, Kobey Lam at Glen Yang na kabilang sa hotshots sa Dragons team na kinapos noong 2022.

Target ngayon ng Hong Kong Eastern na makabawi sa kanilang pagsalang sa aksiyon sa PBA bilang bahagi ng seasoning goal nito para sa EASL.

Bukod kina Clark, Blankley, Lam at Yang, ipaparada ni coach Mensur Bajramovic sina Ramon Cao, Leung Shiu Wah, Chu Tsz Yung, Chan Siu Wing, Cheung Yin Lung, Pok Yuet Yeung, Zhu Hao, Adam Xu, Leung Ka Hin, Muhammad Sulaiman Sheikh, at Steven Guinchard.

Ang kanilang initial PBA assignment ay ang Phoenix Fuel Masters team na determinadong makabawi mula sa poor showing sa katatapos na Governors‘ Cup.

Kasama si import Jayveous McKinnis at pagkatapos ay si Brandone Francis, ang Fuel Masters ni coach Jamike Jarin ay nakaisang panalo lamang sa 10 games.

Subalit malaki ang kumpiyansa ngayon ng Fuel Masters dahil sa presensiya ni Smith. Ang 6-foot-10 behemoth, 30, ay naglaro na sa Spain, Romania, Georgia, Cyprus, Dominican Republic, Austria at Kosovo. Bahagi siya ng Kosovo team na nagwagi ng Balkan League title ngayong taon.

Makakatuwang ni Smith sina Larry Muyang, Sean Manganti, Jason Perkins, Raul Soyud, Ato Ular, RR Garcia, Jayjay Alejandro, Kai Ballungay, Matthew Daves, RJ Jazul, Simon Camacho, Tyler Tio, Ken Tuffin, Raffy Verano at Ricci Rivero. CLYDE MARIANO