PBA D-LEAGUE: 2ND WIN TARGET NG ARCHERS

Mga laro ngayon:
(Ynares Sports Arena)
2 p.m. – Perpetual vs PSP
4 p.m. – Marinero-San Beda vs EcoOil-DLSU

PUNTIRYA ng defending champion EcoOil-La Salle at ng baguhang Philippine Sports Performance ang ikalawang sunod na panalo sa magkahiwalay na laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena.

Wala pa rin si bagong coach Topex Robinson na nasa scouting duties sa United States, ang Green Archers ay mapapalaban sa Marinerong Pilipino-San Beda sa main game sa alas-4 ng hapon matapos ang 2 p.m. duel sa pagitan ng Gymers at ng debuting University of Perpetual Help System Dalta.

Sinimulan ng EcoOil-DLSU ang kanilang title retention bid sa panalo kontra Centro Escolar University, 84-62, subalit mas magiging mabigat ang laban sa Red Lions dahil hindi nila makakasama ang magkapatid na Mike at Ben Phillips.

Ang Phillips siblings ay bahagi ng Gilas Pilipinas training pool na kasalukuyang nasa Calamba, Laguna para sa closed-door, intensive training camp bago lumipad ang koponan sa Cambodia sa May 6 para sa 32nd Southeast Asian Games.

Sa kabila nito ay nangako ang EcoOil-DLSU na magiging handa sa anumang hamon kahit na pilay sila.

“We’ll be shorthanded but we will come prepared,” sabi ni assistant coach Gian Nazario.

“We know that San Beda can play. Alam namin yung potential ng San Beda and we have a lot of respect for coach Yuri (Escueta) and his staff. We’re really gonna prepare for them.”

Ang Green Archers ay sasandal kina Evan Nelle, Mark Nonoy at Kevin Quiambao, na pinangunahan ang kanilang 22-point debut win laban sa Scorpions.

Samantala, sisikapin ng PSP na masundan ang 94-92 come-from-behind win laban sa Red Lions.

“Kailangan kalimutan na namin ‘yung debut namin. Kailangan handa kami vs Perpetual. Kailangan gutom kami palagi. Kumpiyansa pero dapat hindi kampante,” sabi ni PSP coach John Paolo Lao, na sasamahan ng kanyang assistant coaches sa katauhan nina PBA cagers CJ Perez, Jericho Cruz at Jackson Corpuz.