PANGUNGUNAHAN ng mga protagonist ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals ang two-part session ng regular Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Bibisita ang mga miyembro ng defending champion EcoOil La Salle at Marinerong Pilipino-San Beda upang talakayin ang best-of-three title series na magsisimula sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Dadalo sina coach Gian Nazario at Michael at Ben Philips upang katawanin ang Green Archers, habang darating si Jacob Cortez at ang mga miyembro ng coaching staff para sa Red Lions.
Ang three-day Philippine Sports Expo and Conference ang bubuo sa first part ng public sports program na magsisimula sa alas-10 ng umaga.
Tatalakayin nina Sports Expo president Michael Herrera at directors Christian Ensomo at Patrick Buenaobra ang June 30-July 2 event sa Okada Manila.
Ang Forum ay itinataguyod ng San Miguel Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Hinihikayat ni PSA president Nelson Beltran, sports editor ng Philippine Star, ang mga miyembro na makilahok sa talakayan na naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din ito sa kanilang official Facebook page.