SISIMULAN ng De La Salle-EcoOil ang kanilang title retention bid kontra Centro Escolar University sa paglarga ng PBA D-League Aspirants Cup sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Ang meet ang unang official coaching job para kay Topex Robinson bilang bagong coach ng Green Archers, na nagwagi sa edisyon ng torneo noong nakaraang taon makaraang pataubin ang Marinerong Pilipino sa deciding Game 3 ng finals, 91-78.
Ang Marinerong Pilipino ay nakipagtambalan sa San Beda Red Lions sa pagkakataong ito at isa sa pitong koponan na sasabak ngayong season kasama ang defending NCAA men’s basketball champion Wang’s Basketball-Letran, AMA Online, Perpetual Help University, at ang Philippine Sports Performance Fitness gym.
Ang La Salle-EcoOil-CEU encounter ang magsisilbing main game sa opening day sa alas-4 ng hapon, matapos ang Marinerong Pilipino-San Beda -Philippine Sports Performance Fitness gym game sa alas-2 ng hapon.
“Not just La Salle, San Beda, and Letran because the other collegiate teams are also beefing up their lineups,” pahayag ni PBA Deputy Commissioner Eric Castro sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
“Magaganda ang games natin because it’s the team’s way of developing their players in preparation for their respective mother leagues.”
Ang lahat ng mga laro ay ipalalabas nang live sa One Sports at PBA Rush, at lalaruin sa Ynares Pasig at FilOil-EcoOil Centre tuwing Martes at Huwebes.
Ang lahat ng pitong koponan ay lalaro sa single round robin, kung saan ang top two ay outright na uusad sa semis.
Samantala, ang third at fourth teams ay mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage laban sa fifth at sixth teams sa isang crossover quarterfinals phase.
Ang semis at finals ay parehong best-of-three series.
Inihayag din ni Castro na ang D-League ay magkakaroon lamang ng isang conference ngayong taon at sa 2024.
“For now, based sa calendar natin entering the 48th season with two conferences of the PBA, we’ll have one D-League conference by 2024,” aniya.
CLYDE MARIANO