PBA D-LEAGUE TAMPOK SA PSA FORUM

KUNG ano ang aasahan sa bagong season ng PBA D-League ang tatalakayin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.

Pangungunahan ni PBA Deputy Commissioner Eric Castro ang mga panauhin sa weekly session kung saan tatalakayin nila ang pagbubukas ng Aspirants’ Cup sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

May kabuuang walong koponan, sa pangunguna ng defending champion La Salle EcoOil, ang sasabak sa torneo.

Ang 10 a.m. public sports program ay naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din ito sa kanilang official Facebook page.

Matapos ang session, idaraos ng PSA ang eleksiyon para sa bagong set of officers nito na pangangasiwaan ni outgoing president Rey Lachica, sports editor ng Tempo.

Hinihikayat ni Mr. Lachica ang mga miyembro at opisyal ng pinakamatagal na media organization sa bansa na dumalo.

Sa susunod na linggo, ang PSA Forum ay magpapahinga para bigyang-daan ang kampanya ng bansa sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.