UMAASA ang Rain or Shine Elasto Painters sa pagbabalik ng PBA sa lalong madaling panahon kung saan sabik na silang isalang ang isang lineup na pinasukan ng mas maraming ‘fresh blood’.
Kumpiyansa ang koponan sa kanilang roster na balanse ang karanasan at kasibulan na pinaniniwalaan nilang makasasabay sa anumang koponan at anumang pagkakataon.
Pangungunahan nina James Yap, Beau Belga at Gabe Norwood ang Elasto Painters, kasama sina third-year pro Rey Nambatac, sophomore Javee Mocon at freshmen Adrian Wong, Clint Doliguez, Prince Rivero at Vince Tolentino.
Ang Rain or Shine ay isa sa mga koponan na magpapakita ng mga bagong mukha sa sandaling magbalik-aksiyon ang liga.
Sa kabila nito, ang E-Painters ay inaasahang hindi pahuhuli.
“’Yung mga rookies namin, parang mga beterano na rin. ‘Di mo na iko-consider na rookies,” wika ni Belga, patungkol sa kanilang draft recruits.
Sinabi pa ni Belga na nagsisilbing inspirasyon din sa koponan ang maganda nilang ipinakita sa preseason.
Gigil na silang bumawi mula sa ninth-place finish sa Governors’ Cup.
Bago ito, ang Rain or Shine ay isang regular contender kung saan muntik na silang umabot sa 2019 Philippine Cup finale at pagkatapos ay pumang-apat sa Commissioner’s Cup.
Pumangalawa sila sa Phoenix Pulse sa all-Filipino elims at pagkatapos ay kumarera sa ‘Final Four’ kung saan nabigo sila sa Game 7 knockout duel sa eventual second placer Magnolia.
Comments are closed.