BALIK na sa full capacity ang attendance para sa season-ending Governors’ Cup simula ngayong Miyerkoles, ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.
Ang desisyon ay kasunod ng pagsasailalim sa NCR at sa 38 iba pang lugar sa bansa sa Alert Level 1 simula kahapon, March 1.
Ang PBA ay mahigpit na sumunod sa 50% audience capacity habang ang NCR ay nasa ilallm ng Level 2.
Gayunman ay mananatili ang health at safety protocols na ipinatutupad ng liga, kung saan ang fans ay kailangang magprisinta ng vaccination cards kasama ang isang valid government ID.
Magbabalik ang PBA sa Araneta Coliseum para sa double header ngayong Miyerkoles makaraang isagawa ang naunang 10 games sa Ynares Center sa Antipolo upang bigyang-daan ang FIBA World Cup Qualifying Tournament.
Ang laro ngayong araw ay tatampukan ng duelo sa pagitan ng NorthPort at ng Blackwater sa alas-3 ng hapon na susundan ng bakbakan ng tournament leaders Magnolia at Meralco sa alas-6 ng gabi.
Noong Linggo, ang mga laro sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Terrafirma at Magnolia laban sa San Miguel ay umakit ng 3,561 fans sa Ynares Center.