NANGANGANIB na maantala ang pagbubukas ng 2021 PBA Governors’ Cup dahil hindi pa dumarating ang ilan sa mga import, 10 araw na lamang bago ang target na opening sa November 28.
Sinabi ni league commissioner Willie Marcial na dahil limang reinforcements pa lamang ang nasa bansa, posibleng maurong ang pagsisimula ng second conference sa December.
Hanggang noong Miyerkoles, sina NorthPort’s Cameron Forte, Terrafirma’s Antonio Hester, Alaska’s Olu Ashaolu, San Miguel’s Brendan Brown, at NLEX’s KJ McDaniels pa lamang ang nasa bansa.
Hinihintay pa ang pagdating nina TNT Tropang Giga’s McKenzie Moore, Meralco’s Shabazz Muhammad, Blackwater’s Jaylen Bond, Magnolia’s Mike Harris, Phoenix Super LPG’s Paul Harris, Rain or Shine’s Henry Walker at Ginebra’s Justin Brownlee.
“’Yung iba, pina-process pa ‘yung kanilang papeles, tapos pagdating dito, magka-quarantine pa ng 10 days, ‘di ba,” sabi ni Marcial. “So kailangan, mag-practice pa sila.”
“It’s not really a major delay because it’s still within our calendar. What’s important is we complete all the imports before we open again the season. We’re hoping to have them by next week or the week after that.”
Dagdag ni Marcial, target nilang idaos ang season-ending conference sa iba’t ibang venues, na katulad sa ginagawa ng liga bago ang pandemya.
Aniya, nakipagpulong na siya sa pamunuan ng Araneta Coliseum sa Quezon City noong Miyerkoles at sinabing nirerepaso na ng magkabilang partido ang health and safety protocols na kinakailangan para sa mga laro.
Sa susunod na linggo ay makikipag-usap naman, aniya, siya sa pamunuan ng Mall of Asia Arena, gayundin sa Ynares Center sa Antipolo City at FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
“Once the conference starts, it’s hard to hold the games in just one venue. So, gradually, we’re returning to our normal activities where we hold games in multiple venues,” dagdag pa niya. CLYDE MARIANO