(PBA Governors’ Cup lalarga na) BOLTS VS HOTSHOTS

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – Meralco vs Magnolia

MAAGANG masusubukan ang Meralco sa PBA Governors’ Cup sa pagsagupa sa Magnolia na ipaparada ang isa sa imports na may most outstanding credentials papasok sa Season 49 ng liga.

Balik sa Bolts, sariwa mula sa kanilang kauna-unahang championship sa franchise history sa nakalipas na Philippine Cup, si three-time Best Import Allen Durham, subalit agad na mapapalaban sa Hotshots, isang koponan na ipaparada si dating NBA slam dunk champion Glenn Robinson III.

Magsasalpukan ang dalawang koponan sa nag-iisang opening game na nakatakda sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Pinanatili ng Bolts ang parehong roster na nagwagi ng all-Filipino championship, dalawang buwan na ang nakalilipas, at kadaragdag lamang kay rookie CJ Cansino at pagkatapos ay ibinalik si Durham sa lineup makaraang huling maglaro para sa koponan sa 2019 Governors’ Cup.

Ang Meralco ay tatlong beses na sumampa sa finals kasama si Durham bilang import, subalit natalo sa lahat nang ito kontra Barangay Ginebra.

Ngunit matapos makopo ang breakthrough championship, sinabi ni Durham na ang Bolts ay nasa mas magandang posisyon na masungkit ang kanilang unang titulo sa isang import-laden conference.

“I’m so happy that they got over the hump. Now they know what it takes,” sabi ng 36-year-old import.

Masaya rin si coach Luigi Trillo na muling maglalaro para sa koponan ang kanyang dating import.

“He’s a bit older now, but we are happy that he (Durham) is here. He knows the league,” ani Trillo. “I don’t think he’s in shape yet. We need a couple of weeks. But we know what AD can do when he gets his rhythm going.”

Subalit mapapalaban si Durham sa kanyang unang PBA game sa loob ng limang taon.

Kinuha ng Magnolia ang serbisyo ni 30-year-old Robinson, anak ni dating no. 1 overall pick Glenn ‘Big Dog’ Robinson.

Produkto ng Michigan, si Robinson ay second round pick ng Minnesota sa 2014 draft at may ipinagmamalaking eight-year NBA career.

Siya rin ang slam dunk champion sa 2017 NBA All-Star weekend.

“With eight years of playing in the NBA, he’s generous in sharing his knowledge to the players and is willing to sacrifice for the success of the team,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero.

Ipaparada rin ng Magnolia si sophomore big man Zavier Lucero, na kinuha ng koponan sa isang off-season trade para sa duo nina Jio Jalalon at Abu Tratter. CLYDE MARIANO