AARANGKADA na ang PBA Governors’ Cup sa Linggo, Enero 22.
Maghaharap ang Meralco at Rain or Shine sa pagbubukas ng torneo sa alas-4:30 ng hapon sa Philsports Arena habang magsasagupa ang Converge at North Port sa ikalawang laro sa alas-6:45 ng gabi.
Sisimulan ng liga ang season-ending conference nito, isang linggo matapos ang PBA Commissioner’s Cup, kung saan dinispatsa ng Barangay Ginebra ang Bay Area sa pitong laro para sa korona.
Uumpisahan ng Gin Kings ang kanilang kampanya sa Pebrero 5, Sunday, kontra Rain or Shine — tatlong linggo makaraan ang kanilang Game 7 triumph laban sa Dragons sa Philippine Arena.
Ang PBA ay magdaraos ng mga laro tuwing Miyerkoles, Huwebes, Biyernes, Sabado at Linggo para masiguro na ang conference ay matatapos bago ang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Ang Ginebra ang defending champion ng Governors’ Cup, kung saan tinalo nito ang Meralco sa anim na laro sa 2021-22 finals series.