PANGUNGUNAHAN nina retired ‘young’ players JayJay Helterbrand at Dondon Hontiveros ang kani-kanilang koponan sa UNTV Cup PBA Legends Faceoff na sasambulat sa Linggo sa Pasig Sports Center.
Ibabalik ni Hontiveros ang nakaraan sa muli niyang pagsusuot ng San Miguel Beer jersey, habang si Helterbrand, ang dating PBA MVP, ay mangunguna sa kampanya ng Ginebra San Miguel team sa month-long meet, four-team meet na tatampukan din ng Purefoods at Alaska.
Sina Hontiveros at Helterbrand ay kapwa nagretiro sa pioneering pro league sa Asya noong 2017.
Subalit nakuha ng dalawa ang karapatang sumabak sa torneo na may nakalaang P1 million prize sa champion team makaraang magkuwalipika sila sa age bracket of 40-year-old and above.
Ang presensiya nina Helterbrand at Hontiveros ay inaasahang magpapainit sa torneo na supling ng matagumpay na ‘Return of the Rivals’ event na idinaos noong nakaraang Pebrero at tin-ampukan din ng apat na sikat na koponan.
“Kaya ipinanganak itong PBA Legends Faceoff, nung nakita nila (UNTV) na maganda pa ring panoorin at makikita mo ‘yung reception ng fans ay maganda, kaya nangyari itong faceoff na ito,” sabi ni tournament commissioner Fortunato ‘Atoy’ Co sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Amelie Hotel-Manila.
“Sabi nga nila sa alak, mas lumuluma, mas sumasarap.”
Makakasama ni Helterbrand sa Ginebra sina Bal David, Vince Hizon, Rudy Distrito, Edward Joseph Feihl, Marlou Aquino, Bobby Jose, Benny Cheng, Mike Orquillas, Banjo Calpito, at Pido Jarencio.
Bukod kay Hontiveros, ang San Miguel ay binubuo nina Allan Caidic, Nic Belasco, Ato Agustin, Danny Ildefonso, Nelson Asaytono, Olsen Racela, Arnold Gamboa, Bong Alvarez, Francis Adriano, Danny Seigle, at Chris Calaguio.
Pangungunahan naman ni four-time MVP Alvin Patrimonio ang kampanya ng Purefoods kasama sina frontcourt partner Jerry Codinera, Dindo Pumaren, Glenn Capacio, Bong Rav-ena, Richard Yee, Joey Santamaria, Bonel Balingit, Tony Boy Espinosa, Dwight Lago, Roger Yap, at Rommel Adducul.
Ang Alaska ay may pinakakaunting players na may 10, kabilang sina Johnny Abarrientos, Jojo Lastimosa, Bong Hawkins, Jeffrey Cariaso, Edward Juinio, Rodney Santos, Eddie Lau-re, Willie Miller, John Ferriols, at Kenneth Duremdes.
“Masaya kapag nagkikita ‘yung mga former teammates, former players. Masayang okasyon ito,” anang 67-anyos na si Co, isa ring dating MVP at itinuturing na isa sa ‘deadliest shooters’ sa kasaysayan ng PBA.
Comments are closed.