PBA: NO. 1 PICK SI MUNZON

Joshua Munzon

MAKARAANG ipamigay si two-time scoring champion CJ Perez sa isang kontrobersiyal na trade, kumuha ang TerraFirma Dyip ng isa pang maaaring sandigan ng koponan sa katauhan ni Joshua Munzon.

Hinugot ng Dyip ang Filipino-American swingman sa first overall pick ng PBA Season 46 Rookie Draft, na idinaos sa isang virtual ceremony kahapon.

Sa pagkuha kay Munzon, ang TerraFirma ay nagkaroon ng player na masasandalan sa opensa tulad ni Perez sa nakalipas na dalawang seasons.

Ang 26-anyos na si Munzon ay mayaman sa eksperyensiya, salamat sa paglalaro niya sa ASEAN Basketball League (ABL) at sa FIBA 3×3 circuit.

Siya ang ikatlong sunod na top overall pick ng Dyip matapos nina Perez noong 2018 at Roosevelt Adams noong 2019.

“I’m super honored, super excited to be in this position,” pahayag ni Malonzo. “I’m ready to come in and get to work.”

Kinuha naman ng NorthPort si De La Salle University’s Jamie Malonzo bilang second overall pick.

Si Malonzo ay agad na gumawa ng ingay sa kanyang nag-iisang season sa Green Archers at nakasama sa UAAP Mythical Five noong 2019.

Pinalakas naman ng NLEX Road Warriors ang kanilang roster sa pagkuha kay reigning NCAA Most Valuable Player Calvin Oftana bilang No. 3 pick.

Si Oftana, naglaro para sa  national team, ay nagpasiyang talikuran ang kanyang final season sa San Beda para lumahok sa  Rookie Draft.

Bilang No. 4 pick, hinugot ng TNT Tropang Giga si Fil-Am point guard Mikey Williams na inaasahang agad na gagawa ng ingay.

Samantala, pinili ng Rain or Shine Elasto Painters bilang fifth pick si dating De La Salle big man Leonard ‘Santi’ Santillan. Tulad ni Munzon, si Santillan ay nagningning sa FIBA 3×3 circuit bago lumahok sa PBA Rookie Draft ngayong season.

Kinuha naman ng Alaska si dating Perpetual Help center Ben Adamos bilang sixth overall, kung saan sisikapin niyang tulungan ang koponan na ipinamigay si  All-Star forward Vic Manuel sa Phoenix Super LPG.

Si Adamos ay unang naglaro para sa San Beda, subalit lumipat sa Perpetual kung saan siya higit na kuminang sa ilalim ni coach Frankie Lim. CLYDE MARIANO

One thought on “PBA: NO. 1 PICK SI MUNZON”

Comments are closed.