PBA PATULOY ANG SUPORTA SA GILAS

KAHIT matapos ang FIBA World Cup, nangako ang PBA na ipagpapatuloy nito ang walang sawang pagsuporta sa national men’s basketball team.

Nangako ang liga na patuloy nitong susuportahan ang Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa Asian Games sa susunod na buwan at kung papalarin, kapag nagkuwalipika ito sa 2024 Paris Olympics.

Ang PBA ay nagsagawa na ng major adjustment sa calendar nito nang iurong nito ang pagbubukas ng Season 48 sa mid-October upang bigyang-daan ang kampanya ng bansa sa World Cup at sa 19th edition ng Asiad sa Hangzhou, China.

“Patuloy po nating sinusuportahan ang Gilas. Kung ano ang kailangan ng national team ay tinutugunan po natin,” giit ni Commissioner Willie Marcial.

Gayunman ay hindi pa natatalakay ni Marcial kay national coach Chot Reyes kung pananatilihin nito ang kasalukuyang Gilas pool training para sa World Cup sa Sept. 23- Oct. 8 Asiad.

“Hindi ko alam kung sinong players ang gagamitin niya dun (Asiad), kung ‘yung Gilas na gagamitin niya sa World Cup or bago na,” sabi ni Marcial. “Wala pa, pero kung ano ang kailangan ni coach Chot ay tutulong ang PBA.”

Sisikapin ng national team sa Hangzhou na mahigitan ang fifth place finish sa 2018 staging sa Jakarta, Indonesia sa likod ng core ng Rain or Shine team.

Samantala, ba­gama’t ang susunod na round ang main goal ng Gilas sa Aug. 25-Sept. 10 World Cup, ang no. 1 finish sa competing Asian countries sa torneo ay nangangahulugan ng outright berth sa Paris Olympics sa susunod na taon.
Sakaling mangyari ito, nakahanda ang PBA na sumuporta.

“Sa palagay ko naman papayag ang board, sinuportahan nga natin ang World Cup tapos makakapasok pa tayo sa Olympics,” sabi ni Marcial.

“Yun ang pangarap ng lahat ng Pilipino na makapasok sa Olympics. Siguradong susuportahan namin ang national team.”

Ang bansa ay hindi pa nakakapasok sa Olympics magmula noong 1972 edition sa Munich, Germany.