PBA PLAYERS SA 30-MAN GILAS POOL

MAGIGING abala ang Gilas Pilipinas sa susunod na dalawang taon.

Kabilang sa abalang calendar ng natinals ang Vietnam SEA Games sa Mayo, World Cup Qualifiers sa Hunyo, FIBA Asia Cup sa Hulyo,  Asian Games sa Setyembre, at isa pang World Cup Qualifiers sa Nobyembre at Pebrero 2023. Ang lahat ng events na ito ay bago ang hosting ng bansa sa FIBA World Cup sa Agosto 2023.

Sa gitna ng abalang iskedyul na ito ay bubuo si head coach Chot Reyes ng isang 30-man pool na bubuuin ng pinagsamang cadets at professional players mula sa PBA.

Nakipagpulong na si Reyes, kasama si Gilas Pilipinas team manager Butch Antonio, kay league commissioner Willie Marcial nitong Martes, kung saan ipinaalam ng veteran mentor sa PBA ang kanyang mga plano.

Hindi idinetalye nina Reyes at  Marcial ang pinag-usapan sa miting dahil ilalatag pa ito ni Marcial sa Board of Governor sa susunod nilang board meeting.

Nauna nang sinabi ni Marcial na laging nakahanda ang PBA na suportahan ang national team basta walang problema sa kanilang iskedyul.

Posibleng ipahiram ng PBA ang players nito sa SEA Games dahil off-season ang liga sa panahon na idaraos ito.

Ang biennial meet ay gaganapin sa Hanoi sa Mayo 12-23 habang ang season-ending conference ay matatapos sa katapusan ng Abril.

Malaki rin ang posibilidad na makasama ang PBA players sa SEA Games team dahil ang collegiate players ay hindi magiging available sa buong panahon ng Vietnam Games.

“I don’t think we will have any of the collegiate players because I think the UAAP will end on May 12 at the earliest and May 19 at the latest,” sabi ni Reyes.

“Another thing to take into consideration [is] who are the players who are going to be available? Unfortunately, I can’t answer that question because we have to sit down and actually craft the plans.”