PORMAL na pararangalan ang isang bagong scoring king sa Enero 21 sa pagdaraos ng PBA Press Corps ng 25th silver anniversary ng tradisyunal na Awards Night nito sa Novotel Manila Araneta Center.
Si Stanley Pringle ng NorthPort ay nakatakdang kilalanin bilang scoring champion dahil sa pagiging top gunner ng liga noong nakaraang season na may average na 21.0 points kada laro.
Winakasan ni Pringle ang tatlong taong paghahari ni dating teammate Terrence Romeo, na ngayon ay nasa San Miguel.
Pinangungunahan ng 31-anyos na si Pringle, na sa unang pagkakataon ay napabilang sa national team noong nakaraang season, ang inisyal na talaan ng awardees na bibigyang-pugay ng mga sportswriter na nagko-cover sa PBA beat.
Igagawad din ang Order of Merit at ang All-Interview team sa espesyal na okasyon na unang idinaos noong 1993.
Ang tatanggap ng Order of Merit, ipinagkakaloob sa indibidwal na may pinakamaraming Player of the Week honor ng PBAPC, ay sina June Mar Fajardo ng San Miguel Beer, Paul Lee ng Magnolia Pambansang Manok, at Vic Manuel ng Alaska. Ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na ipagkakaloob ang co-Order of Merits magmula nang tanggapin ito nina Arwind Santos at Jimmy Alapag noong 2008-09 season.
Samantala, pinangungunahan ni Team Pilipinas at NLEX coach Yeng Guiao ang All-Interview team na binubuo nina big men Christian Standhardinger at Joe Devance, kasama sina Chris Ross, Mike Digregorio, at Chris Tiu. Ang award ay naglalayong kilalanin ang mga player at coach na nagbigay ng ‘juicy quotes’ at laging nagpapaunlak ng media interviews. Maliban kay Guiao, ang lahat ng lima ay first-time winners ng award.
Ang paggagawad ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award ay nagsisilbing ‘highlight’ ng event, kung saan mahigpit na naglalaban-laban sina Leo Austria, Chito Victolero, at Tim Cone para sa parangal na ipinangalan sa late great mentor na nakopo ang kauna-unahang grand slam sa liga noong 1976 sa koponan ng Crispa Redmanizers.
Ang isa pang traditional award na ipagkakaloob ay ang Danny Floro Executive of the Year na ipinangalan naman sa yumaong Crispa team owner gayundin ang Defensive Player of the Year, All-Rookie team, Mr Quality Minutes, Game of the Season, at Breakout Player of the Year.
Magiging espesyal din ang programa sa paggagawad ng kauna-unahang Lifetime Achievement honor at ng President’s Award.
Comments are closed.