Mga laro ngayon:
AUF Gym
10 a.m. – Blackwater vs San Miguel
1 p.m. – Terrafirma vs Phoenix
4 p.m. – NorthPort vs TNT
6:45 p.m. – Ginebra vs Alaska
MATAPOS na pansamantalang itigil habang hinihintay ang bagong protocols mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), magbabalik ang bubble games ng PBA sa Clark, Pampanga ngayong araw.
Apat na laro ang nakatakda sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup eliminations sa Angeles University Foundation Gym upang punan ang mga nakanselang laro noong October 30 at 31, at November 1 at 2.
Magsasagupa ang Blackwater at defending champion San Miguel sa unang laro sa alas-10 ng umaga, na susundan ng duelo sa pagitan ng Terrafirma at Phoenix sa ala-1 ng hapon.
Magpapatuloy ang aksiyon sa alas-4 ng hapon kung saan haharapin ng NorthPort ang league leader TNT Tropang Giga bago ang bakbakan ng Barangay Ginebra at Alaska sa main game sa alas- 6:45 ng gabi.
Sisikapin ng Beermen, may 4-2 kartada, na mapanatili ang momentum laban sa determinadong makabalik na Elite at sumalo sa ikatlong puwesto sa overall standing.
Target naman ng Aces ang ikatlong sunod na panalo kontra Barangay Ginebra na may dalawang sunod na talo matapos ang 4-0 simula.
Samantala, muling sisikapin ng Tropang Giga na makopo ang outright quarterfinals berth laban sa Batang Pier. Nabigo ang TNT sa kanilang unang pagtatangka nang malasap ang pagkatalo sa NLEX, 98-109, bago sinuspinde ang mga laro.
Nakapasok naman ang NorthPort sa win column makaraang gapiin ang Terrafirma, 107-96.
Inanunsiyo ng PBA noong Sabado ang pagbabalik ng bubble games ngayong araw na may bagong protocols na ipatutupad mula sa rekomendasyon ng IATF.
Bilang bahagi ng health measures nito, sinabi ng liga na kukumpletuhin ng COVID-19 positive Blackwater player, na nag-negatibo sa antigen at RT-PCR test, ang 10 araw na isolation mula sa araw na sumailalim siya sa swabbing bago muling makapaglaro.
Ang iba pang bagong measures na ipatutupad ay ang pagkumpleto sa 14-day quarantine at testing bago pumasok sa bubble ng lahat ng mag-popositibo; at ang pagtatalaga ng isang independent marshall na mangangasiwa at titiyak na sinusunod ang health at safety protocols, tulad ng inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Magkakaroon din ang liga ng hiwalay na temporary quarantine facility sa Clark Freeport Zone. CLYDE MARIANO
Comments are closed.