BUTATA si Tony Bishop ng Barangay Ginebra kay Tyler Bey ng Magnolia sa kainitan ng kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup noong Linggo. PBA PHOTO
SINUSPINDE kahapon ng Philippine Basketball Association (PBA) ang mga game official na nangasiwa sa laro ng Barangay Ginebra at Magnolia sa Commissioner’s Cup noong Linggo dahil sa non-call na nagresulta sa panalo ng Hotshots.
Inamin ng liga na hindi tinawagan ng foul ng mga referee si Mark Barroca na nagkaroon ng contact kay Scottie Thompson habang tumitira ang Ginebra guard sa mga huling segundo ng laro.
Ang Ginebra ay naghahabol sa Magnolia, 92-91, sa puntong iyon.
“Unacceptable. There was contact. We failed to make a call,” sabi ni PBA Deputy Commissioner Eric Castro sa isang statement.
“During the game – in real time while the play was on, the game crew did not see a foul. The officials failed to call a foul (missed call) on Barroca against Thompson in the last 11.5 seconds of the 4th quarter.”
Ang foul ay naghatid sana kay Thompson sa free throw line, na magbibigay sa Ginebra ng tsansang maitakas ang panalo.
“With this, the officiating crew of the game between Barangay Ginebra and Magnolia Chicken Timplados Hotshots are suspended for failing to assess the infraction,” sabi pa ni Castro.
Sa panalo ay umangat ang Magnolia sa 4-0. Nahulog naman ang Ginebra sa 1-1.
CLYDE MARIANO