IDARAOS ng Philippine Basketball Association (PBA) ang annual Rookie Draft nito para sa Season 47 sa Mayo 15.
Ayon sa Commissioner’s Office ng liga, ang pagsusumite ng aplikasyon ay magsisimula sa Marso 21 at magtatapos sa Mayo 2.
Ang local applicants ay kailangan lamang magsumite ng kopya ng kanilang birth certificate.
Samantala, ang Filipino-foreigner players ay kailangan lamang isumite ang kanilang Philippine passport, kapalit ng Bureau of Immigration Certificate of Recognition at ng Department of Justice’s Affirmation, na inalis na ng PBA.
Ang annual rookie draft ay bukas sa mga player na may edad 22 at pataas o 19-anyos na may minimum na dalawang taon ng college education.
Kabilang sa mga inaasahang applicant ngayong taon sina Brandon Rosser, Jeremiah Gray, at Jason Brickman, na kabilang sa Fil-foreign players na hindi nakalahok sa draft noong nakaraang taon dahil sa pagkabigong makakuha ng mga dokumento na maaaring sumuporta sa kanilang eligibility.