PBA SEMIS ‘WARS’ SISIKLAB NA (Gin Kings vs Bolts; Beermen vs E-Painters)

TINANGKANG umiskor ni Beau Belga ng Rain or Shine laban kay Kelly Williams ng TNT sa kanilang do-or-die game sa PBA Philippine Cup quartetfinals noong Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium. PBA PHOTO

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)

4:30 p.m. – Rain or Shine vs San Miguel

7:30 p.m. – Ginebra vs Meralco

MAGSASALPUKAN ang San Miguel Beer at Rain or Shine sa pagsisimula ng kanilang  PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals duel ngayong Biyernes sa SM Mall of Asia Arena.

Galing mismo kay coach Yeng Guiao, ang Elasto Painters ang underdogs sa serye, subalit walang mawawala sa kanila sa best-of-seven match-up.

“The best team in the conference ang kalaban mo. I don’t think there’s any pressure on us,” sabi ni Guiao. “We will just play as hard as we can, ‘yun lang ang gagawin namin.”

Dinispatsa ng SMB ang upset-minded at eighth-seeded Terrafirma, 110-91, noong nakaraang Miyerkoles, ilang oras bago nakumpleto ng No. 5 Rain or Shine ang dominasyon sa fourth-ranked TNT sa 110-109 victory na tumapos sa kanilang sariling quarterfinals duel.

Bago pa man malaman ang makakaharap ng kanyang SMB team sa  Final Four, may ideya na si coach Jorge Gallent sa kung ano ang dapat asahan at ang dalawang laro nila kontra Dyip ay magsisilbing motibasyon sa kanyang mga player.

“They have the same style, they have bigs that can shoot the 3s,” ayon kay Gallent. “So this (quarterfinals) series really helped us.”

Sa panig ni Guiao, may mas malinaw siyang ideya sa tsansa ng kanyang tropa, ibinase ang kanyang assessment sa 12-point loss ng E-Painters sa Beermen sa eliminations at sa iba pang mga laro ng defending champions.

“Wala naman kaming pantapat kay June Mar (Fajardo), wala kaming pantapat kay CJ (Perez), kina Terrence (Romeo),” ani Guiao.

“Pero pahihirapan namin sila. Ganoon lang ang magagwa namin. Kung manalo, manalo. Kung matalo, kailangan matalo ka na nakataas ang noo mo after the game,” dagdag pa ni Guiao.

“We want San Miguel to feel all the pressure. Wala namang pressure sa amin. Panalo na kami, champion na kami sa isip namin, eh.”

Ang pinatutungkulan ng seven-time champion coach ay ang winners’ feeling ng kanyang youth-laden team makaraang malusutan ang  TNT para sa ika-17 semis stint ng franchise ngunit una magmula noong  2019 Commissioner’s Cup.

“Ang sabi ko sa kanila, this is gonna be our championship game,” wika ni Guiao. “Marami sa kanila hindi pa nakakatikim ng semifinals. Ako matagal na rin. So we felt that this could be a historic game for us.”

“Ang natutunan namin, mahirap talunin ang San Miguel. Hindi mo kayang i-match up ang San Miguel, kailangan maghanap ka ng ibang paraan para talunin mo ang San Miguel,” sabi pa ni  Guiao.

“So I think the series is for them to lose. But we will be there, we will just hang around.”

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay sisimulan na rin ng Barangay Ginebra at Meralco ang kanilang sariling best-of-seven semifinals showdown.

CLYDE MARIANO