PBA: TEAM PRACTICE APRUB SA IATF

Willie Marcial

PINAYAGAN na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease ang Philippine Basketball Association (PBA) na magsagawa ng non-scrimmage workouts.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, inabisuhan siya ng  IATF sa desisyon nito noong Huwebes subalit wala pa siyang natatanggap na formal letter.

“Masaya tayo sa development na ito. We’re still on track for our scheduled return,” wika ni Marcial.

“I’m sure masaya rin ang mga player sa balitang ito dahil sila mismo gusto na makalaro uli.”

Magugunitang sumulat ang PBA sa IATF noong nakaraang buwan upang hingin ang pahintulot nito na magsagawa ng workout sa ilalim ng mahigpit na health protocols upang mapanatiling ligtas ang mga player at maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakasaad din sa liham na apat na players lamang, isang safety officer at isang coach/trainer ang papayagan sa bawat session.

Sinabi ni Marcial na agad niyang pupulu­ngin ang 12 coaches at team managers ng liga sa sandaling matanggap ang letter of approval ng IATF.

Aniya pa, magpapatawag din siya ng board meeting upang konsultahin ang governors ng liga hinggil sa iba pang safety features na maaaring isama sa protocol.

“Titingnan natin kung ano pa ang kulang.”

Comments are closed.