PBA TEAMS BALIK-ENSAYO NA

on the spot- pilipino mirror

PINAYAGAN na ng pamahalaan na bumalik sa ensayo ang mga team sa PBA, gayundin ang football. Sa balik-ensayo ng mga player ng PBA, ibig sabihin nito ay malaki ang tsansa na magbubukas ang PBA sa darating na Setyembre para sa  Philippine Cup. At malamang ay isang conference lang ang magaganap para sa 45th season ng liga.

o0o

Sa pagpayag ng  Inter Agency Task Force  (IATF) na makabalik na sa practice ang PBA teams at football, mga nagsipag-piyok naman ang UAAP, NCAA, PSL at iba pang liga. Kung ang PBA at PFF ay pinayagan nang magkapag-ensayo, dapat  ay ganoon din sa ibang sports na  hindi nalalayo ang laro sa PBA.

o0o

Ang pamunuan ng Games and Amusements Board (GAB) na pinamumunuan nina Chairman Abraham Kahlil B. Mitra at Commissioners Mar Masanguid at Ed Trinidad ay nagdesisyong ilapit sa IATF  ang kalagayan ng mga propesyunal na manlalaro na apektado ang ka­lagayang pinansyal bunsod ng kawalan ng hanapbuhay dulot ng COVID-19 pandemic.

Umapela ang GAB sa IATF para sa bahagyang pag-usad ng mga aktibidad na may kinalaman sa mga propesyunal na laro at libangan sa kondisyong ito ay tatalima sa specific health protocols na inilatag ng DOH.

Nakipag-ugnayan si GAB Chairman Mitra sa mga kinatawan ng DOH at sa PSC Technical Working Group upang buuin ang Joint Administrative Order (JAO) na naglalaman ng panuntunan sa pagsasagawa ng health-enhancing physical activities at income generating professional sports events sa kasagsagan ng pandemya.

Iprinisinta ni Usec. Brigido C. Dulay, Foreign Affairs Undersecretary for Civilian Security and Consular Concerns, ang JAO sa mga miyembro ng IATF upang pagtibayin, na pagkatapos ng mga diskusyon at argumento bilang paglilinaw, ay agarang umani ng pag-apruba ng IATF.

“Nagpapasalamat kami sa IATF sa pagdinig sa hinaing ng maraming propesyunal na manlalaro na halos 4 na buwang nabakante o tumamlay ang aktibidad upang p­aghusayin ang kanilang mga sarili sa sa mga la­rong kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Ang pag-apruba ng IATF ay isang magandang development sa kalagayan ng propesyunal na laro sa panahon ng pandemic,” pahayag ni Mitra.

“Sana ang mga isports gaya ng boxing and other contact sports ay umani rin ng katulad na pagpayag ng IATF. Sa kasalukuyan ay may mga inaayos pa na protocols sa pagsasagawa nito gaya ng PCR testing at ng zero audience pansamantala kung kinakailangan upang makaiwas sa pagka-lat ng COVID-19, basta makita lang natin na umuusad at muling nabubuhay ang kalagayan ng propesyunal na laro sa ating bansa,” aniya.

Comments are closed.