MULING nag-negatibo ang mga koponan na nasa loob ng PBA bubble sa Clark, Pampanga sa pinakabagong swab testing para sa COVID-19 na isinagawa ng Clark Development Corp. (CDC).
Isang linggo makaraang magbalik-aksiyon ang 2020 PBA Philippine Cup, sinabi ni Commissioner Willie Marcial na pawang negatibo sa virus ang mga miyembro ng 12 koponan.
Ang ikalawang round ng COVID-19 testing ay isinagawa noong nakaraang linggo.
Gayunman, ilang players na huling pumasok sa bubble ang isasailalim pa sa test, kasama ang mga miyembro ng PBA staff.
Matapos ang ikalawang round ng testing ay nagpasalamat si Marcial sa mga player, coach, at team personnel sa pagsunod sa health at safety protocols sa loob ng bubble.
Ang PBA contingent ay may tatlong linggo nang nasa bubble, na kinabibilangan ng Quest Hotel sa Mimosa at ng Angeles University Foundation Gym.
Batay sa protocols na binuo ng liga, ang swab testing ay isasagawa tuwing ikalawang linggo.
Ang initial tests ay isinagawa nang dumating ang mga koponan sa Clark Freeport noong September 28 at 29.
Comments are closed.