PBA TRADE BUKAS NA

OPISYAL na inalis kahapon ng PBA ang trade moratorium nito na nagbigay sa mga koponan ng pahintulot na magsagawa ng transaksiyon.

Ang pag-trade ay sinuspinde sa PBA Philippine Cup, ang nag-iisang conference na idinaos ng liga noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Gayunman, sinabi ng isang mataas na opisyal ng liga na inaasahan nilang sa Marso pa magkakaroon ng mga paggalaw, kapag naidaos na ang PBA Rookie Draft.

“Ngayon, wala pang kumikilos. I think everybody’s waiting for the draft,” sabi ni Alfrancis Chua, ang team governor ng Barangay Ginebra at ang sports director ng San Miguel Corp.

Ang PBA Rookie Draft ay nakatakda sa Marso 14 sa isang virtual setting, kung saan huhugot ang mga koponan mula sa malalim na pool of talent makaraang i-waive ng liga ang D-League requirement para sa draft hopefuls.

Para sa lahat ng koponan, ang trading ay isang opsiyon para mapalakas ang kanilang lineup.
“Tingnan natin kung ano ang makakatulong. Kasi ‘yung mga teams kukuha ng mga draftees iyan, ‘pag nakakuha na sila, may mga players na kahit magagaling, masasapawan ng ganito, so itre-trade at ite-trade ‘yan. Doon ako naghihintay ng opportunity,” sabi ni Chua.

Bilang SMC sports chief, si Chua ang ‘key man’ sa anumang trade transaction na kinasasangkutan ng Ginebra, San Miguel Beer at Magnolia.

“Para maliwanagan ninyo, lahat ng coaches (Tim Cone of Ginebra, Leo Austria of SMB and Chito Victolero of Magnolia), tinatanong ko iyan, sino, ano ang kailangan n’yo,” aniya.
“(They will say) ganito, ganon, then I talked to RSA (SMC top boss Ramon S. Ang); ‘sir ‘tong team na ito, eto ang kailangan, ganyan, ganyan. Eto kailangan ng gwardiya, eto ganito,'” dagdag pa niya.
CLYDE MARIANO

Comments are closed.