PBA TULOY ANG SUPORTA SA GILAS

Willie Marcial

POSIBLENG hindi magsimula ang PBA Season 46 ng mas maaga sa Marso dahil sa commitment ng liga na suportahan ang Gilas Pilipinas sa international endeavor nito sa Pebrero.

“Ang PBA team owners at ang PBA ay nananatiling committed na suportahan ang Gilas,” pahayag ni PBA commissioner Willie Marcial.

Bahagi ng commitment ay ang gawing available ang PBA players para magbigay ng serbisyo sa national team sa paggabay ni program director Tab Baldwin.

Inanunsiyo kamakailan ng FIBA Asia na gagamit ito ng isang bubble-type format para sa susunod na dalawang windows ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers na nakatakda sa November 2020 at February 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Isa itong pagbabago mula home-and-away format patungo sa bubble concept tulad ng ginagawa ng PBA para sa pagpapatuloy ng  PBA Season 45 sa Clark simula sa Oct. 11.

Ang PBA Clark bubble ay tatagal ng dalawang buwan kung saan ang magkakampeon ay kokoronahan sa una o ikalawang linggo ng Disyembre.

Nang tanungin hinggil sa partisipasyon ng PBA sa Gilas schedule sa November, sinabi ni Marcial na wala pa silang naririnig tungkol dito mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas.

“Ang binanggit sa amin ni SBP president Al Panlilio ay February, and we’re committed to that. Walang pagbabago sa commitment ng PBA sa SBP at Gilas,” sabi ni Marcial.

Sinuportahan ng PBA ang Gilas nang maidepensa nito ang SEA Games crown sa harap ng  home crowd sa MOA Arena noong nakaraang Disyembre.

Sina RR Pogoy, Troy Rosario, CJ Perez, Kiefer Ravena, Poy Erram, Abu Tratter at  Justin Chua ang PBA stalwarts na nagpalakas noon sa Gilas cadets kung saan tinambakan ng Filipinas ang the Indonesia, 100-70, sa laro nito sa Jakarta sa opening window ng qualifiers.

Ang Filipinas ay nasa Group A kasama ang Indonesia, Korea at Thailand. Ang top three ay aabante sa FIBA Asia Cup proper.

Comments are closed.