IPAGPAPATULOY ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Alagang PBA Program nito, lalo na sa panahong ito na nangangailangan ang bansa.
Isa sa misyon na nasa isip ni Commissioner Willie Marcial ay ang makilahok sa pagpaplano ng mga nasa pribadong sektor na tumulong sa pamahalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccine para sa mga mamamayang Filipino.
“Balak ko na kung papayagan ng gobyerno, makakuha at makapag-donate din ang PBA ng vaccine,” wika ni Marcial sa online PSA Forum noong Martes.
Target ng PBA chief na tulungan ang frontliners, seniors at ang mahihirap na higit na bantad sa panganib ng COVID-19.
“Hindi lang natin masasabi kung magkano ang maitutulong namin, dahil in the first place ‘di natin alam kung magkano ang halaga ng vaccine,” ani Marcial.
Subalit ang tiyak ay ipagpapatuloy ng liga ang outreach program nito.
Nakikipag-ugnayan ang PBA sa Alagang Kapatid Foundation ng TV5 upang humanap ng deserving beneficiaries ng isang fund-raiser na isinagawa sa PBA bubble play sa Clark.
Ang PBA ay nakalikom ng P90,000 sa programa nito na pag-donate ng P100 para sa bawat point na nagawa sa huling dalawang minuto ng bawat laro sa katatapos na all-Filipino tourney na napagwagian ng Barangay Ginebra.
“Gagawin na namin P100,000 iyon at tatapatan ng sponsor ng TV5,” dagdag ni Marcial.
Comments are closed.