PBA ‘WAR’ SISIKLAB NA(Batang Pier vs Fuel Masters; Bossing vs Dragons)

pba

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Blackwater vs Bay Area
5:45 p.m. – NorthPort vs Phoenix

BAGAMAN nanalo sa limang tune-up games, kailangang patunayan ng invited foreign team Bay Area Dragons ang kanilang lakas at bangis sa harap ng PBA fans sa pagbubkas ng Commissioner’s Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.

Haharapin ng Dragons ang Blackwater Bossing sa alas-3 ng hapon, na susundan ng duelo ng North Port Batang Pier at Phoenix LPG Fuel Masters sa alas-5:45 ng hapon.

Nanalo ang Dragons sa limang tune-up games kontra NLEX, Blackwater, Terrafrma at dalawang collegiate teams Ateneo at College of St. Benilde.

Ang Bay Area ay pinalakas nina Chinese 7-foot-5 Liu Chuanxing, NBA veteran Andrew Nicholson, seasoned league G-League campaigner Myles Power at Duncan Reid.

Naglaro si Reid sa Hong Kong sa FIBA Asia at ang kanyang presensiya ay malaking bagay sa title campaign ng Dragons.

Ang Bossing ay palalakasin ni import Cameron Krutwig.

Samantala, mula sa kanilang magkaparehong 3-8 recotd sa all-Filipino tourney ay sisimulan ng NorthPort at Phoenix ang kanilang redemption bids.

Ipaparada ng Batang Pier si balik-import Prince Ibeh habang sasandal ang Fuel Masters kay Kaleb Wesson.

Naging madali ang desisyon para sa NorthPort na muling kunin si Ibeh, ang British-Rwandan 6-10 mastodon na pinangunahan ang Batang Pier sa breakthrough second-seeding sa huling PBA Commissioner’s Cup noong 2019.

Makakatuwang ni Ibeh sina Robert Bolick, Arwind Santos, Kevin Ferrer, Roi Sumang at ang iba pa sa tropa ni coach Pido Jarencio sa kanilang paghahangad para sa mainit na simula matapos magkumahog sa Philippine Cup.

Ganito rin ang layunin ng Fuel Masters kahit wala na si long time top gun Matthew Wright.

Inaasahang aaktong lider sina Jason Perkins at Sean Anthony at makikipagsanib-puwersa kay Wesson, ang pinakabata sa mga import sa edad na 23.

Sina Wesson at Krutwig ay kapwa 23-anyos ngunit ang Phoenix import ay mas bata ng pitong buwan.

Ang Westernville, Ohio native ay magpapakitang-gilas sa PBA mula sa kanyang paglalaro sa Maccabi Rishon LeZion team sa Israeli Basketball Premier League sa kaagahan ng taon.

CLYDE MARIANO