PBAPC EXECUTIVE OF THE YEAR SI CHUA

SA IKATLONG pagkakataon sa anim na season, si San Miguel Corporation (SMC) Sports Director Alfrancis Chua ay tatanggap ng major award mula sa PBA Press Corps sa pagdaraos nito ng 30th Awards Night sa Martes sa Novotel Manila Araneta City.

Si Chua ay muling gagawaran ng Danny Floro Executive of the Year Award para kanyang mga naging kontribusyon sa Gilas Pilipinas men’s national team, habang pinangangasiwaan din ang operasyon ng mga koponan sa ilalim ng SMC umbrella — San Miguel Beer, Barangay Ginebra, at Magnolia bilang consistent title contenders sa kauna-unahang play-for-pay league ng Asya.

Inimbitahan din si Bones Floro, apo ni Crispa team owner at executive Danny Floro kung kanino ipinangalan ang award, upang personal na iabot ang award kay Chua sa event na handog ng Cignal.

Isang dating player at champion coach bago pumalaot sa corporate world, si Chua ay magiging pangalawang three-time recipient ng special award matapos ni late RFM team manager Elmer Yanga.

Unang tinanggap ni Chua ang Executive of the Year award noong 2018 at 2022, habang iginawad kay Yanga ang award sa tatlong sunod na taon mula 1993 hanggang 1995.

Ayon kay league chief statistician Fidel Mangonon III, sina Chua at Yanga ay dalawa sa siyam na executives na multiple winners ng award na ipinagkakaloob ng mga sportswriters na nagko-cover ng PBA beat.

Ang Barangay Ginebra governor ay unang naugnay sa Gilas Pilipinas bilang manager ng koponan na gumawa ng kasaysayan sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong nakaraang taon sa pagwawagi ng unang gold medal ng bansa sa basketball makalipas ang 61 taon.

Dahil sa kanyang abalang workload ay binitiwan niya ang posisyon kalaunan, subalit itinalaga si Barangay Ginebra deputy Richard Del Rosario bilang kanyang kapalit at tumulong kay national coach Tim Cone.

Sa Season 48, tatlong SMC teams ang nakapasok sa finals ng dalawang conference, kung saan nakopo ng San Miguel Beer ang Commissioner’s Cup crown kontra Magnolia, subalit natalo sa Meralco sa Philippine Cup title series.