PBAPC LIFETIME ACHIEVEMENT AWARD KAY UYTENGSU

Wilfred Uytengsu.jpg

CLASS act. Winning tradition. “We, not me.”

Ang mga salitang ito ang naglalarawan sa Alaska, mga katangian na taglay ng Aces sa kanilang 33 taong pamamayagpag sa PBA.

At siguradong sinasalamin nito kung paano pinamahalaan ni team owner Wilfred S. Uytengsu ang koponan sa mga nagdaang taon na nagbigay sa kanila ng kabuuang 14 kam­peonato, tampok ang grand slam noong 1996.

Sa pagdiriwang ng silver anniversary ng taunang Awards Night ng PBA Press Corp, si Uytengsu ay kikilalanin para sa kanyang nagawa sa koponan.

Dating miyembro ng national swimming team at aktibong triathlete, ang Alaska Milk executive ay tatanggap ng kauna-unahang Lifetime Achievement Award mula sa grupo ng mga sportswriter na regular na nagko-cover ng PBA beat.

Sa loob ng 25 taon magmula nang unang  idaos ng PBAPC ang okasyon noong 1993, ang Aces  ay nagwagi ng 13 champion-ships  sa ilalim ni Uytengsu, na nasa koponan magmula sa debut season nito noong 1986.

Noong 1994-1998 seasons,  nakuha ng franchise ang walo sa 16 conference titles na nakataya,  kabilang ang ‘96 grand slam, at nakapagprodyus ng dalawa sa limang MVPs, sa katauhan nina Johnny Abarrientos (1996) at Kenneth Duremdes (1998).

Si Tim Cone, ang pinakamatagumpay na coach sa PBA, ang responsable sa 12 sa 13 kampeonato ng Aces sa nakalipas na 25 taon.

Ang Lifetime Achievement honor ay isa sa 12 awards  na ipag­kakaloob sa Awards Night na handog ng Cignal TV.

Tampok sa okasyon ang paggagawad ng  Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year, gayundin ang  Danny Floro Executive of the Year, at the President’s Award (PBA Board, sa pangunguna ni  chairman Ricky Vargas).

Ang iba pang awards ay kinabibilangan ng Scoring champion (Stanley Pringle), Order of Merit (June Mar Fajardo, Paul Lee, at Vic Manuel), All-Interview Team (Yeng Guiao, Joe Devance, Chris Ross, Mike Digregorio, Christian Standhardinger, at Chris Tiu),  All-Rookie Team (Jason Perkins, Jeron Teng, Paul Zamar, Robbie Herndon, at Standhardinger), Mr. Quality Minutes (Manuel), Defensive Player of the Year (Poy Erram), Game of the Season (Barangay Ginebra-Rain or Shine 3OT), at Breakout Player of the Season (Tiu).

 

Comments are closed.