PBAPC PLAYER OF THE WEEK SI JALALON

SA LIKOD ng balansiyadong atake, magaan na dinispatsa ng Magnolia ang NLEX at NorthPort upang mapanatili ang malinis na kartada at mapatatag ang kapit sa solong liderato sa PBA Commissioner’s Cup.

Ginapi ng dominanteng Hotshots, sa pangunguna ni Serbian reinforcement Nicholas Rakocevic, ang kanilang huling dalawang katunggali na may average winning margin na 16.0 points para sa mainit na 5-0 simula sa kalagitnaan ng import-flavored conference.

Ngunit bagama’t ang unbeaten run ay dahil sa collective effort ng Hotshots, mas pinadali ito ni unheralded Jio Jalalon para mapalakas ng Magnolia ang kanilang kampanya para sa twice-to-beat advantage sa playoffs.

Patuloy na nagningning si Jalalon sa kanyang papel na pangunahan ang Hotshots sa likod ng averages na 14.0 points sa 63-percent shooting clip, 7.5 assists, at 3.5 rebounds kontra Road Warriors at Batang Pier.

Naitala ng two-time All-Defensive Team member ang kanyang pinakamalaking marka sa defensive end na may 5.0 steals sa dalawang laro para mapiling Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa Oct. 12-16 period.

Tinalo ni Jalalon sina Converge gunner Maverick Ahanmisi at Phoenix sniper Tyler Tio para sa weekly citation na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover ng PBA beat.

Laban sa NLEX, ang dating Arellano U standout ay kumamada ng 18 points, 5 rebounds, 8 assists at 6 steals sa 26 minuto lamang na paglalaro kung saan naiposte ng Magnolia ang 111-97 panalo.

Muling nag-init ang Cagayan de Oro native laban sa Batang Pier pagkalipas ng ilang araw sa pagtala ng 10 points, 2 rebounds, 7 assists, at 4 steals, kabilang ang buzzer-beating triple sa pagtatapos ng third quarter upang bigyan ang Magnolia ng 20-point tungo sa panalo.

Bukod sa mga numerong ito ay ang key defensive job ni Jalalon kina counterparts Kevin Alas ng NLEX at Robert Bolick ng Northport upang mapatatag ang kanyang katayuan bilang isa sa pinakamahusay na defensive lynchpins sa liga sa kasalukuyan.

CLYDE MARIANO